Maituturing na isang ‘milestone’ initial achievement para sa mga Sibuyanong grupo na nasa likod ng petisyon na itatag ang sariling probinsya ng Sibuyan na nakarating na ito sa opisina ng Pangulo, napirmahan na umano at nai-refer na sa tamang ahensiya upang mapag-aralan ito.
Maaaring marami rin sa ating mga kababayan lalo na ang mga hindi taga-Sibuyan ang nagtatanong, ‘ito ba ay kailangan?”
Malamang, ang agam-agam ng iba, maliit na nga ang Probinsya ng Romblon, tapos hahatiin pa. Sa isang banda naman kasi, hindi rin natin masisisi ang mga taga-Sibuyan na naisin ito dahil na rin sa kanilang hinaing na tila baga napag-iiwanan ang isla ng Sibuyan sa mga programa at serbisyo na pinapatupad ng provincial and national government.
Marami tayong mababasa sa mga social media na nagpapatunay umano kung gaano napag-iiwanan ang tatlong (3) munisipyo sa isla ng Sibuyan sa mga programa at serbisyo, inprastraktura man ito o social services. Bakit nga ba ganun?
Kumbaga, hindi rin sana aabot sa punto na nanaisin ng mga Sibuyanon na maghiwalay sa probinsya ng Romblon, kung ang pakiramdam nila ay hindi sila napapabayaan at napag-iiwanan.
Kahit ako man siguro ang taga Sibuyan kung ganito ang aking makikita at mararamdaman, ay isa rin ako sa magsusulong na mas mainam pang maghiwalay na lang kung pwede naman palang maging hiwalay na probinsya ang Sibuyan, kesa naman tila laging naghihintay sa kung anong latak o matitira na mga biyaya mula sa provincial at national governments.
Kung ganito nga ang nangyayari, hindi ba’t may board member sa Sangguniang Panlalawigan na nagmumula sa isla ng Sibuyan upang magkaroon ng boses ang Sibuyan sa Sanggunian? Bagamat ito ay hindi magiging sapat, lalo na kung ang umiiral ay sobrang pamumulitika, na kung hindi mo kaalyado ang congressman o gobernador o kaya ay nasa oposisyon kang partido ay maiitsapwera ka.
Yan ang masama sa sistema ng gobyerno at pulitika e – yang sobrang pamumulitika na iyan.
Kung maging hiwalay na probinsya ang Sibuyan, e di lalong mas pwedeng maging hiwalay na probinsya ang Tablas. Kung ang mga taga Tablas naman ngayon ang makaramdam na tila napag-iiwanan ang Tablas e baka mag petisyon din na maghiwalay bilang isang lalawigan, he he he!
Wag naman sana mangyari iyon. Bagamat para sa akin, ito ay isang ‘wake-up’ call para kay Congressman Toto Madrona at Gobernador Lolong Firmalo na reviewhin ng maigi ang mga programa at serbisyo para sa buong probinsya nang matiyak na walang bayan ang napag-iiwanan.