Hustisya ang sigaw ng pamilyang nawalan ng haligi ng tahanan nitong araw ng pasko matapos itong masawi ng masalpok ang minamanehong ‘padyak’ o bisikletang may sidecar ng lasing na rider nitong December 24 ng gabi.
Sa incident report ng Odiongan Municipal Police Station, sinabi rito na nitong gabi ng December 24, pasado alas-7 ng gabi, nagmamaneho ng padyak ang biktimang kinilalang si Daniel Flores, 48-years old sakay ang pamilya nito patungong Barangay Tulay ng biglang salpukin sa likod ng isang motorsiklo.
Sa sobrang lakas ng pagkakasalpuk ng motorsiklo, tumilapon ang rider nitong kinilalang si Crestan Fetalino, 22-taong gulang. Tumilapon rin si Flores palabas ng kanyang padyak habang bahagyang nasaktan lamang ang mag-ina nito.
Agad na isinugod sa Romblon Provincial Hospital ang dalawang driver upang gamutin at bigyan ng lunas ang nararamdamang sakit. Pinalabas rin sila makalipas ang ilang oras.
Kinabukasan, isinugod sa Isiah Medical Hospital si Flores matapos ireklamo ang pananakit sa kanyang ulo at sa tiyan.
Dito na siya binawian ng buhay, bandang 7:30 ng umaga, araw ng pasko.
Sa imbestigasyon ng Odiongan Municipal Police Station sa pangunguna ni Police Senior Inspector Manuel Fernandez Jr., nasa impluwensya umano ng alak ang driver ng motorsiklong si Crestan Fetalino ng gabi ng December 24.
Nakakulong na si Fetalino sa Odiongan Municipal Police Station at kinasuhan ng Reckless Imprudence resulting to homicide.