Walang halong duda na dapat lamang matuldukan o kaya mabawasan ang mga insidente o resulta ng pagtatalik sa murang edad o kaya sa hindi tamang panahon, katulad na lamang ng mga sexually transmitted disease, maagang pagbubuntis at iba pa. Maliwanag pa naman sa sikat ng araw na ang DOH kahit noon pa ay hindi naman nagkukulang sa pagsulong ng mga programang nagtuturo sa mga tao lalo na ng mga kabataan upang maging responsable at maingat sa pagtatalik.
Kamakailan ay naging usapan ng bayan ang pamamahagi ng DOH ng mga condoms sa mataas na paaralan, may mga pabor at kontra. Ang laging dahilan ng mga pabor ay, ‘ang pamamahagi ay para umano makontra ang pagkalat ng mga HIV, etc’ – bagay na hindi rin naman pwedeng kumpirmahin ng programa, dahil hindi rin naman tatanungin isa-isa o kaya e inventory ng DOH pagkatapos ng ilang araw kung asan na yung condom na binigay, o kung ang mga ito ba ay ginamit o hindi. Ang bottomline, ang pamamahagi ng condom ay bahagi ng pagtuturo o paghahatid ng kamalayan sa mga estudyante at hindi rin naman masisiguro nito kung gagamitin nga ba ito o hindi dahil wala din namang record ang DOH kung ilan sa mga estudyante ang nakikipagtalik na o hindi pa.
Sabi ng DOH at mga pabor sa programa, ito ay para makontra ang pagkalat ng HIV, maiwasan ang maagang pagbubuntis at iba pa. Ang tanong, paano po kaya matitiyak ng DOH na maiiwasan nga ang pagkalat ng HIV dahil namahagi sila ng condom? Nakakatiyak ba sila na gagamitin nga ito ng mga estudyanteng nakatanggap nito? Of course not, di sila sure.
Ilang beses po ba nakikipagtalik ang mga kabataan, sabihin nating nakikipagtalik na nga? Isa lang ba, kaya tag isang condom lang din ang pinamigay? Meaning, kung once lang naman mamigay ng condom ang DOH, ang programa ika nga ay hindi ‘sustainable’ at tila lugaw lamang na pamatid gutom lamang pero hindi rin naman talaga magtatagal.
Ang rason naman ng mga kontra sa pamamahagi ay naka-ugat sa moral values ng mga Filipinos na minanang katuruan mula sa mga simbahan, magulang at paaralan. May isa nga akong tinanong, ‘pwede rin kaya mamigay ng mga condom sa simbahan?” Bagamat di nya sinagot ng direkta, pero implied sa kanyang sagot na ‘hindi’. Pero rason nya, iba daw ang simbahan at sa labas na mga organisasyon. Aba naman, iisa lang naman ang standard ng moralidad na sinisermon sa simbahan at sa labas.
Ang paaralan naman bilang pangalawang tahanan, ay nagtuturo din tungkol sa pagyakap sa tamang standard ng moralidad, kasabay ng pagbibigay ng kamalayan sa mga estudyante tungkol sa pagtatalik.
Ang tanong, pede kayang gawin sa tahanan ng mga magulang sa kanilang mga anak, halimbawa sa anak na dalaga na wala namang BF o kahit pa may BF na, at sabihin ang ganito, ‘just in case anak, pag nakipag sex ka sa BF mo, pakipagamit mo ‘tong condom sa kanya.” Sino na kayang mga magulang na Filipino gumawa nito?
Si DOH Secretary kaya ginawa na nya ito sa kanyang mga anak? Ikaw ba na pabor sa pamimigay ng condom e, kaya mo kayang gawin yan sa iyong mga anak? Kasi kung naniniwala ka na kaya at pede mo yang gawin, huwag mo na hintayin na DOH pa ang mamigay kundi ikaw na mismong magulang ang magbigay ng condom sa iyong mga anak na babae at e-advise na ipa-gamit ito sa kanyang BF tuwing makikipag-talik, o kaya sa mga lalaking anak na gamitin ito tuwing dadalihin GF nila.
Kung di mo rin pala yan kayang gawin bilang magulang, then what’s the point bakit OK lang sa’yo na mamahagi ang DOH niyan sa mga paaralan na tinuturing nating pangalawang tahanan?
Kung seryoso ang pamahalaan sa programa na iyan, mas maganda nilang gawin ang mga sumusunod tulad ng ginagawa sa ibang bansa na tumitingin sa kahalagahan ng moralidad at maiwasan ang mga resultang kaakibat nito.
- Gawing state-sponsored ang mga condoms na yan sa lahat ng botika. Bale, free na itong makukuha sa mga botika. Kung hindi mapipigilan na talaga ng mga kabataan ang makipagtalik, dahil sa kamalayan sa resulta ng hindi tama sa panahon at hindi responsableng pakikipagtalik, makakahingi sila ng condom kahit saang botika.
- Ipasara ang mga club na may mga pokpok.
- Ipasara ang mga motel.
- Higpitan ang pagche-check-in ng couple, tiyaking may maipapakita itong marriage certificate.
Kung sasabihin man ng mga pabor na, maging open-minded ang mga magulang katulad ng sa ibang mga bansa, ang tanong handa na nga ba ang mga Filipinong parents maging open-minded sa isyo ng morality o sexual liberty?