Pinasinayaan na kamakailan ang bagong Barangay Health Center sa Bgy. Agbaluto sa bayan ng Romblon na pinondohan ng DSWD sa ilalim ng Kapit Bisig Laban sa Kahirapan Program – Comprehensive Integrated Delivery of Social Services (KALAHI-CIDDS).
Ang naturang imprastraktura ay nagkakahalaga ng P1.1 milyon kung saan ang isang milyong piso dito ang mula sa KALAHI-CIDDS at ang P100,000 ay counterpart ng Barangay Local Government.
Sinabi ni Jestone P. Formilos, area coordinator ng KALAHI CIDSS sa Romblon na ang ganitong uri ng proyektoi ay isa sa mga pangunahing programa ng pamahalaan upang labanan ang kahirapan.
Nakabatay aniya ito sa pamamaraan ng community-driven development na kung saan ang mamamayan ay binibigyan ng kapangyarihang magpasya sa mga bagay na nakakaapekto sa kanilang pamumuhay.
Ayon pa kay Formilos, ang programang ito ay makatutulong ng malaki sa mga kabaranggayan kung saan mas makatutugon ito sa pangangailanagan ng mamamayan.
Dumalo sa inagurasyon at turn –over ceremony sina Romblon Mayor Mariano M. Mateo, Municipal health Officer dr. Merly Valen H. Mallorca, mga health workers ng Rural Health Unit-Romblon at mga opisyal ng nabanggit na lugar.
“Malaki ang pakinabang nito sa mga residente ng Bgy. Agbaluto dahil maaari itong gamitin sa mga emergency cases at sa mga buntis na manganganak,” pahayag ni Dr. Mallorca.