Nagbubukas na ang mga merkado sa ibayong dagat para sa mga produkto ng bansa. Dahil sa kakaibang istilo ng bagong pamunuan sa pangangasiwa at sa ugnayang panlabas, nakakita ang bansa ng mga bagong kaibigang mapagbebentahan ng ating mga export partikular na ang produktong agrikultura – ang China at Russia.
Muli na namang umaakyat ang inilalabas nating saging sa China. Sa huling balita, unti-unti nang lumuluwag ang mga dating pinahigpit na regulasyon doon, lalung-lalo na sa quarantina at kalidad ng mga pumapasok sa kanilang produktong agrikultura.
Sa Pandesal Forum nakaraang Martes, masayang sinabi ni Russian Ambassador Igor Khovaev na “give us your wishlist” kung ano ang maaari nating iexport sa kanilang bansa. Parang si Santa ang mga Ruso ngayon sa atin. Dahil tayo’y mabait, humiling ka lang at ito’y pagbibigyan.
Ang implikasyon ng mga panibagong pagpapahalaga sa bansa ay hindi basta-basta. Pagkakataon na ito upang baliktarin ang kalakaran sa kalakalan.
Kung hindi matitisod ang ating pangasiwaan sa kanilang official pronouncements at walang sasalungat na polisiya, malakinang tsansang matutugunan na sa wakas ang tinatawag ng mga ekonomista na perrenial import-export deficit at trade imbalance.
Huwag na tayong lumayo pa. Pagkakataon na ito upang simulan na ang pinangangalandakang kaunlaran sa kanayunan. Ang Rural Development ni dating Pangulong Ramos noon na initial din pala ng ating Pangulo ngayon kung saan sa ilalim ng kanyang panunungkulan ay maaaring maisakatuparan.
Pagkakataon na ring bigyan ng pantay na oportunidad ang mga nasa lalawigan – sa kompetisyon, sa kalakalan, pinaigting na agrikultura at industriyang maaaring umusbong sa mga probinsya.
May pagkakataon na ring ibsan ang lumulobong bilang ng populasyon sa mga kalungsuran. Pakapal ng pakapal na kasi ang Maynila at iba pang mga lungsod dahil narito nga naman ang oportunidad sa hanapbuhay.
Kapag nagkataon, at kung hindi matitisod ang pangasiwaan, maari nang maging equitable ang pagpapatupad ng “Balik-Probinsya Program ng DSWD. Mapapaso na rin ang joke na “Retirement equals Balik Probinsya program.”
Ideal picture ito, ika nga. Malayo sa katotohan, ayon sa ilan. Ngunit ang malaking kaibahan ngayon, abot-tanaw at malaki ang pagkakataon ng pangasiwaan na ang mga ito ay maisakatuparan.
Walang maiiwan, mapa-lalawigan man o indibidwal sa kanayunan. Ito ang kampanya ni Sen. Grace Poe sa kampanya sa halalang pampanguluhan noong Mayo.
Tinanggap ang mensaheng ito ng marami sa atin, ngunit ang kasalukuyang Pangulo ang siyang nakahuli ng kanilang imahinasyon.
Si Pangulong Rodrigo Duterte lang ang tunay na promdi sa mga kandidato. At kung meron sa kanilang mahsasabuhay sa pangakong ito, tanging ang alkalde ng Davao noon ang makapagbibigay ng puwang sa adhikaing ito.
Tama ang landas, so far. Lalung-lalo na sa pagtatalag ng mga taga-probinsya sa mga puwesto sa Gabinete. Down the line, sa burukrasya ng pamahalaan, mga taga-Mindanao ang bumabandera.
Ang pinakahuli sa aking pagkakaalam ay ang administrador sa National Electrification Administration o NEA.
Produkto ng LGU sa Cebu at nagmula sa electric cooperative sa Bukidnon bago naging kinatawan ng 1-Care partylist sa Kongreso.
Ang hamon sa kanya’y pababain ang presyo ng kuryente sa mga kanayunan upang magsilbing konkretong hakbang sa layunin ng pagpapaunlad ng mga lalawigan. Bababa ba?
Usapang kuryente na rin lang tayo: itong mga nakaupong kontrobersyal sa Energy Regulatory Commission kaya, bababa na ba? Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko pero mas madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)