Inilabas na ng tanggapan ng Department of Trade and Industry (DTI)-Romblon ang talaan ng presyo ng mga Noche Buena Products sa pamamagitan ng Suggested Retail Price (SRP) na ipinatutupad ng naturang tanggapan.
Ang listahan ng “suggested retail price (SRP)” sa mga produktong pang-Noche Buena ay ikakalat sa lahat ng pamilihan, groceries at shopping centers.
Ayon kay Mary Grace H. Fontelo, Trade and Industry Development Specialist, kanilang inilabas ang SRP upang maging basehan o gabay ng mga mamimili sa kanilang pagbili ng panghanda ngayong kapaskuhan.
Nagsimula na rin umano ang kanilang pagbabantay sa mga presyo ng mga pangunahing bilihin lalo na sa mga Noche Buena Products sa mga pampublikong pamilihan at mga grocery stores upang tiyakin na nasa tamang presyo ang mga produktong ibinibenta ngayong Disyembre.
Kabilang sa mga produkto ang ham, fruit cocktail, cheese, keso de bola tomato at spaghetti sauce, creamer, mayonnaise at iba pang bilihin.
Pinapayuhan din nila ang publiko na kapag mayroong mga pag-alinlangan sa presyo ng mga bilihin ay maaari silang pumunta sa kanilang tanggapan upang malaman kung ito ay lumalabag sa ipinatutupad na presyo mula sa SRP.
Paalala pa rin ng DTI na suriing mabuti ang mga bibilhing produkto lalo na ang araw nito kung hanggang kailan ito magtatagal ganundin ang presyo kung ito ay sumusunod sa SRP.
Para sa karagdagang impormasyon ay magsadya pa rin sa tanggapan ng Provincial Office na matatagpuan sa Ground Floor, LFH Suite Promenade, J.P. Laurel St., Brgy. Dapawan, Odiongan, Romblon o tumawag sa mga Tel./Fax No.: (043) 567-5090 | Mobile No.: 0918-957-6428 / 0917-626-3996.