Ang pamahalaang panlalawigan Romblon sa pamumuno ni Governor Eduardo C. Firmalo ay tumanggap ng Special Recognition Award mula sa Office of Civil Defense at RDRRMC Mimaropa noong ika-16 ng Disyembre 2016.
Ang paggawad ng parangal ay pinangunahan ni Regional Director Eugene G. Cabrera, Office of Civil Defense (OCD)-Mimaropa na ginanap sa B Hotel, Lungsod ng Quezon.
Ang nasabing award ay personal na tinanggap ni Engr. Antonio P. Sarzona, Provincial Disaster Risk Reduction and Management (PDRRM) Officer na siyang kumatawan kay Governor Firmalo.
Ang karangalang ito ay pagkilala sa ipinakitang tatag at kahandaan sa pamamahala ng punong ehekutibo ng lalawigan sa pamagitan ng makataong malasakit kung saan naiwasan ang mga banta ng panganib sa buhay ng tao, pagkasira ng ari-arian at naialayo sa kapahamakan ang mamamayan sa nagdaang mga kalamidad.
Ayon kay RD Cabrera, ang Gawad Kalasag ay pinakamataas na pagkilala na iginagawad sa isang tao, grupo, samahan, mga institusyon at LGUs na nakapagsagawa ng natatanging kontribusyon sa disaster risk reduction and management at humanitarian assistance sa bansa. Ang Kalasag ay tumatayo sa Kalamidad at Sakuna Labanan,, sariling Galing ang Kaligtasan.
Samantala, nakamit naman ng bayan ng Odiongan ang 3rd place bilang Best Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council dahil kanilang naabot o nasunod ang pamantayan bilang Excellence in Disaster Risk Reduction and Management and Humanitarian Assistance Level.
Ang naturang parangal ay pagkilala sa pagiging handa ng MDRRMC bago pa magkaroon ng kalamidad at maging sa panahon ng anumang sakuna.