Ipinamahagi ng Department of Agriculture (DA) sa tulong ng pamahalaang bayan ng Romblon ang iba’t- ibang kagamitang pang-agrikultura sa apat na asosasyon o samahan ng mga magsasaka sa nabanggit na bayan.
Tinanggap ng mga kinatawan ng Rice Farmers of Ginablan Irrigators Association, Agnipa Irrigators Association, Barangay Agnay Farmers Association (BAFA), and Macalas Tambac Ilauran (MTI) Irrigators Association ang Hand Tractor at Rice Thresher with 7Hp diesel engine na kaloob sa kanila ng pamahalaan.
Ang pamamahagi ng kagamitang pansaka ay pinangunahan ni Mayor Mariano M. Mateo kasama ang mga miyembro ng Sangguniang Bayan at mga empleyado ng Office of the Municipal Agriculturist.
Ayon kay Raymund Juvian M. Moratin, OIC-Municipal Agriculturist, layunin ng programa na makapagbigay ng abot-kayang serbisyo para sa mga magsasaka upang matulungan ang mga itong mapataas ang kanilang mga kita.
Sinabi naman kay Mayor Mateo, marapat lamang na maipagkaloob sa mga nasabing samahan ng magsasaka ang dalawang makinarya para mabigyang tulong sila ng pamahalaan dahil na rin walang kapaguran nilang kontribusyon upang magkaroon ng sapat na suplay ng pagkain.
Lubos na pinasalamatan ng mga magsasaka ang pagtugon ng Kagawaran ng Agrikultura at ng pamahalaang lokal ng Romblon sa kanilang pangunahing suliranin sa pagsasaka.
Ayon sa kanila, isasaayos na lamang ng kanilang samahan ang sistema para sa maayos at patas na paggamit ng mga miyembro ng ipinagkaloob na hand tractor at rice thresher.