Muling nagpaaala sa publiko ang Department of Trade and Industry (DTI), Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP) at Department of Health (DOH) para sa ligtas na pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon.
Paalala ng mga awtoridad, palaging tatandaan na suriing mabuti ang mga binibiling mga produkto sa pamilihan tulad ng mga pailaw na de kuryente at paputok para iwas sunog at peligro sa kalusugan.
Ayon sa DTI, dapat tandaan sa pagbili ng mga pailaw at extension wires sa merkado ay siguraduhing dekalidad ito at mayroong ICC stickers o PS na selyo.
Ang Import Commodity Clearance (ICC) Sticker ang siyang palantandaan na dumaan ang mga produkto sa masusing inspeksyon at test requirements ng DTI.
Bago i-plug sa outlet ay siguraduhing wala itong talop o ngatngat ng daga sapagkat maari itong pagmulan ng sunog at pagkakuryente.
Laging i-prayoridad ng bawat isa ang kaligtasan ng kanilang pamilya, maging ang paglalatag ng kawad ng kuryente sa lapag at ilalim ng karpet ay sadyang mapanganib.
Bago matulog ay siguraduhing natanggal sa mga saksakan ang anumang kagamitan para iwas sunog at disgrasya.
Babala ng PNP na iwasang gumamit ng ipinagbabawal o malalakas na uri ng paputok at huwag magpaputok ng baril sa pagdiriwang ng Pasko at pagsalubong sa Bagong Taon upang maiwasan ang disgrasya.
Babala naman ng BFP na huwag bibili ng anumang paputok sa hindi lisensyadong manufacturer at iwasan mag eksperimento sa paggawa ng mga paputok kung wala silang sapat na kaalaman sa paggawa nito .
Ilayo ang nabiling mga paputok sa kusina o madaling maabot ng mga bata at iwasan ang paggamit ng paputok kung nasa impluwensya ng alak.
Babala naman ng DOH na maghugas ng mga kamay kapag humawak ng anumang uri ng paputok sapagkat may mga sangkap na kemikal ang paputok na nakakalason sa tao.
Hinihikayat ng mga awtoridad ang publiko na mas mainam na gumamit na lamang ng torotot, mga maiingay na material tulad ng kaldero, palanggana o pagbusina sa pagsalubong ng bagong taon sapagkat mas ligtas ito paraan ng pagdiriwang.