Pag-iibayuhin ng mga kawani ng Philippine National Police (PNP) at Bureau of Fire Protection (BFP) ang pagpapatupad ng paghihigpit ukol sa regulasyon at batas at sa pagtitinda ng paputok ngayong nalalapit na ang Bagong Taon.
Ayon kay FO3 Arnold Andrade ng Romblon Municipal Fire Station, na katuwang nila ang kapulisan sa pagmo-monitor ng pagpasok ng mga paputok sa bawat bayan at nagsasagawa rin ng inspeksiyon sa mga tindahan ng paputok.
Layunin ng hakbang na ito aniya na masiguro ang kaligtasan ng publiko at maipagdiwang ang bagong taon na walang anumang sakit o problemang haharapin na dulot ng paggamit o pagbebenta ng paputok.
May mga itinalagang lugar din aniya para sa pagtitinda ng paputok sa mga palengke kung saan dapat maluwag ang espasyong dadaanan ng mga mamimili.
Sa programang PIA Mimaropa Hour, sinabi ni FO3 Andrade na may mga panuntunan na kailangang sundin ng mga manininda ukol sa mga dapat at hindi dapat sa mga linya ng kuryente upang maiwasang magkaroon ng sunog.
Dagdag pa nito, kinakailangan din kumuha ng ‘special business permit’ ang sinumang nagnanais magtinda ng paputok kung saan dapat ay sumunod sa proseso at hinihinging rekisitos upang mabilis na maproseso ang permit.
Binigyang-diin naman ng pamunuan ng Romblon Police Provincial Office (RPPO) na magiging mahigpit ang pagbabantay ng kapulisan sa mga manininda at tiniyak na papatawan nila ng kaukulang parusa ang mga lalabag at hindi susunod sa panuntunan.