Ang pamahalaang bayan ng Romblon ay nakatanggap ng isang bagong yunit ng ambulansiya mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Ang naturang ambulansiya ay dumating kaninang umaga kung saan agad na nagamit ng Rural Health Unit (RHU)-Odiongan sa kasalukuyang ginaganap na Palarong Panlalawigan sa nabanggit na bayan.
Layunin ng programang ito ng PCSO na magbigay ng mga ambulansya sa local government units (LGUs) at ilang institusyon sa pamamagitan ng outright donation sa mga fourth at fifth class municipalities o kaya ay 60-40 cost-sharing scheme sa mga siyudad maging sa first, second at third class municipalities.
Ayon sa pamunuan ng PCSO, bawat recipient ay maaring magsumite ng request o resolusyon para sa mga bagong ambulansya kada limang taon.
Isa rin sa mga adhikain ng PCSO ay magbahagi sa mga bayan ng ambulansyang maaari nilang gamitin sa emergency needs ng mga residente lalo higit ang mga naninirahan sa remote areas na nahihirapang makarating sa mga ospital o health centers upang maagapan ang kanilang mga karamdaman.
Nagpapasalamat si Mayor Trina Firmalo-Fabic sa naturang ahensiya sa mabilis na pagtugon nito sa kanilang request at ipinangako na kanilang aalagaang mabuti ang ambulansiya upang matagal pa nilang magamit sa pagtulong sa mga may sakit at biktima ng mga sakuna sa kanilang nasasakupan.