Nailigtas kaninang hapon ng mga tauhan ng Coast Guard Sub Station Ambulong sa karagatang sakop ng Magdiwang, Sibuyan Island, Romblon ang mga pasahero ng isang bangka na nawalan ng gasulina habang nasa biyahe galing sa isang isla ng Masbate patungo sa isa pang isla nitong Martes.
Ayon sa report ni Juvy Fabon ng DZEL Radyo Agila, aabot sa 7 ang pasahero ng nasabing bangka at isa rito ay isang sanggol.
Dinala ng mga tauhan ng Coast Guard Sub Station Ambulong, LGU Magdiwang at Municipal Disaster Risk Reduction Management Council ang mga pasahero sa bayan ng Magdiwang upang dito muna magpalipas ng gabi.
Ayon sa mga pasahero, halos isang araw silang nagpalutang lutang sa dagat kasabay ng malalakas na alon.
Nakikipag-ugnayan ang Coast Guard Sub Station Ambulong sa Coast Guard sa Masbate upang maibyahe ang mga sakay pabalik sa kanilang probinsya.
Hindi pa naglalabas ng pangalan ang Coast Guard Sub Station Ambulong kung sino-sino ang mga sakay ng nasabing bangka.