Namahagi ang Pamahalaang Panlalawigan ng Romblon sa pakikipagtulungan ng mga empleyado ng pamahalaang bayan ng libreng wheelchairs, saklay at tungkod sa mga residente na may kapansanan sa paglalakad o PWD (Persons-With-Disabilities).
Ang hakbang na ito ng LGU Romblon ay bahagi ng pakikiisa nito sa pagdiriwang ng 2016 International Day of Persons with Disabilities kung saan 12 wheelchairs, tatlong saklay at walong tungkod ang naihandog sa mga ito.
Ayon sa PSWDO, marami sa ating mga kababayan ang hirap makakilos, makagalaw at makapaglakbay dahil sa iniindang karamdaman o kapansanan at hindi biro ang mawalan ng paa upang malayang magawa o mapuntahan ang kanilang nais.
Kaya naman napakalaking tulong aniya ang ilang instrumento gaya ng saklay, wheelchair o tungkod upang maibsan ang paghihirap na ito at maging mas madali para sa kanila ang pagkilos at pagtatrabaho.
Sinabi naman ni Governor Eduardo C. Firmalo na sa pamamagitan ng mga wheelchairs, saklay at tungkod na ito ay mapagaan nawa ang buhay ng mga taong napagkalooban nito.
“Sa ganitong paraan po ay paraang tayo na mismo ang umaakay sa kanila upang maramdamn nila na buhay pa rin ang diwa ng pagtutulungan at pakikipagkapwa-tao,” pahayag ng gobernador.
Ang paghahandog ng wheelchairs, saklay at tungkod ay ginanap kamakailan sa covered court ng Romblon Public Plaza na dinaluhan ng mga PWDs, mga opisyal ng lokal na pamahalaan, mga kawani ng PSWDO at MSWDO.