Dahil sa tindi ng pinsalang idinulot ng bagyong Nona, Disyembre noong nakaraang taon, sa buong bayan ng Sibale, at sa traumang naramdaman ng mga residente, ilang sa kanila ang hindi nag atubuling mas paghandaan ang posibleng epekto ng bagyong Nina ngayong Kapaskuhan imbes na ipagdiwang ito nang gaya ng kanilang nakagawian taon-taon.
Ilan sa kanila ang sinigurong maganda ang pagkakakabit ng kanilang mga bubong sa pamamagitan ng pagdagdag ng pako sa mga ito. May ilan naman na tinalian na lang ng maayos ang kanilang bubong upang hindi ito liparin ng malakas na hangin na posibleng dala ng nasabing bagyo. Pinili naman ng iba na lumipat at makituloy muna pansamantala sa mga kamag-anak nila na may mas matibay at ligtas na mga bahay.
Nagsiguro rin at inilagay na sa mataas na bahagi ng mga residente dito ang kani-kanilang mga bangkang de motor para hindi ito masira kung sakali man na tumaas naman ang tubig at lumakas pa ang mga alon na sanhi ng bagyo.
Sa panayam ng Romblon News sa mga residenteng naaktuhang naghahanda para sa bagyong Nina, hiling nila na hindi na lumakas pa ang naturang bagyo gaya ng bagyong Nona at hindi na nila maranasan muli ang delobyong dumaan sa kanila noong nakaraang taon na sumira sa maraming kabahayan at mga pananim.