Matapos diinan ang tila daplis na polisiya sa paglalaan ng pondo para sa mga imprastrakturang pangtransportasyon, agad sumabak sa radio interview ang gobernador ng Romblon sa programang Mata ng Bayan sa Radyo Natin.
Hindi pa gaanong sigurado ang pagkukunan ngunit may nakalaan na umanong aabot sa P1 milyong pisong pondo ang pamahalaang lalawigan para sa pagsasaayos ng lumang airstrip sa Barangay Azagra, San Fernando, Romblon.
Ang tanong lamang: hanggang saan aabot ang pondong ito at ano ang detalye ng ipagagawang pagsasaayos ay lingid pa sa ating kabatiran sa ngayon. Kung damo o konkreto, o di kaya ay pagpapantay lamang ng kasalukuyang pavement na naka-pwesto, hindi pa klaro.
Kung kaya’t i-manage natin ang ating expectations sa bagay na ito, mga kababayan, dahil ang malinaw: hindi po bagong airport ang itatayo, airstrip lamang po ito para sa light aircraft at maliliit na eroplano kung saan ang sakay na pasahero’y limitado sa hindi pa nga yata aabot sa sampu, kasama na ang piloto.
Sa puntong aking tinuturan, libreng magtanong sa ating mga halal na pamunuan: nakapaloob ba ito sa mas malaking tourism development plan na kadalasan ay ibinabalangkas ng Sangguniang Panlalawigan? O sadyang binitawang pangako bilang reaksyunaryong pansalag sa puna ng kawalang prayoridad sa ibang mga bayan ng Romblon maliban sa Odiongan?
Sa tamang panahon ay mabubunyag din sa karaniwang Romblomanon ang tila Pacquiao vs Vargas na laban – ‘lopsided’ ika nga at hindi makatarungang paglalaan sa pondo ng lalawigan.
Napag-usapan na rin lamang ang Odiongan, kamusta na kaya ang ating mga kababayan doon na sinalanta ng baha sa dalawang araw matapos ang Undas? Katotong Marlo Dalisay, mga taga-Poctoy, Libertad, Tumingad, at Tuburan daw ang nalubog sa ga-tuhod na baha.
Umapaw ang mga palayan at mga ilog, ilang kalsada rin ang apektado pati Tielco ay nawala ang serbisyo. Sanay natugunan na ang inyong mga panawagan at naibigay ng agaran ang inyong mga dagling pangangailangan.
Iilan lamang ang mga isyung ito sa napakaraming hamon na paguloy na sinusuong ng aking lalawigang sinilangan. Nakapag-uwi man tayo ng ayudang pondo-de-gobyerno sa loob ng ating panunungkulan sa pamamagitan ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino, hindi sapat ito kung ikukumpara sa bigat na dala-dala ng bawat isa sa inyo.
Nakawala man tayo sa 20 poorest provinces ng bansa, wake up call naman ang report ng Commission on Audit (COA) na nagsasabing nasa pinakamababang bahagdan pa rin ang ating lalawigan kung net worth ng probinsya ang pagbabasehan.
Sa COA report, P634 million lamang ang net worth ng Romblon. Ngunit maluwag nating tatanggapin ito dahil mas mataas tayo sa mga lalawigan ng Occidental Mindoro, Mountain Province, Camiguin, Biliran, Davao Oriental, Dinagat Islands, Batanes, Sulu at Basilan.
Sa ngayon, kapit lang mga kababayan, pasasaan ba’t mabibigyang linaw din ang lahat ng isang mapagtugong pamunuan. Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko pero mas madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)