Biyernes. May pasok. Lintek ang trapik. Kaliwat-kanan ang coverage at lingguhang media forum. Sa Kampo Crame – madaling araw ang briefing ng media, naiuwi na kasi ang pinaghihinalaang big time drug lord ng Eastern Visayas na si Kerwin Espinosa.
Sa ibang bahagi nama’y abala sa regular na press con ng mga pulitikong bida sa balita. Karaniwang araw para sa lahat.
Ngunit dakong alas diyes y medya ng umaga, nagpulasan sa kani-kanilang pinagkakaabalahan ang mga kagawad ng media. Walang paalam. Kanya-kanyang ligpit ng gamit, nagtiklupan ng tripod, hablutan ng recorder, nagsarahan ng laptop, biglang nawala sa facebook live.
Sa dakong katimugan ng kamaynilaan, dumagundong ang himpapawid. isa, dalawa, tatlo pa yatang chopper ang mabilis na dumaan. Maingay, ngunit payapang lumapag.
Sumunod ang takatak ng mga paa ng kabayo, hilahila ang karwaheng ponembre ng ihihimlay. Tumunog ang trumpeta, pinaputok ang pitong kanyon. Lahat tigatlo, ang suma’y bente uno. Walang iyakan sa mga naroon, nagdudumiwang pa nga kung nag-iba lang ang okasyon.
Akala nati’y simula pa lang ng padasal, tawag nga nila’y pasiyam daw. Ilang gabi na ring nagpupulong ang mga abogado ng mga sektor, pinagkakaisa ang mga katwiran upang isalba ang naunsyaming petisyon sa hukuman. Ngunit… Boom! Ganun na lamang, naisahan na naman tayo, samputukan lang ng mga kanyon!
Nakaumang noon pa ang protesta. Malawakan pa nga dapat kung nagkataon. Pero nalansi nga ang lahat sa mga paandar ng pamilya ng diktador. Hayun, solong batang babaeng nakaitim ang nakarating sa tarangkahan ng Libingan ng mga Bayani.
Humagulhol nang marinig ang dagundong ng mga kanyon. Kinahapuna’y may presscon. Tila sambit ng babaeng anak ng diktador na gobernador na ngayon, “Come on pipol, move on!”
Move on daw? Baliktad yata. Matagal nang nakalibing ang kanilang ama sa pgsasakdal-dalisay sa mata ng mga loyalista. Pigurang nasa musuleo sa Batac ay kandilang binuong hugis at wangis sa inyong ama, pagkatapos noo’y tao naman ang inyong pinaniwala na siya talaga ang nakabalandra doon at hindi lang gawa-gawa.
Sila ang hindi makamove on hindi nga ba? Kaya ninyo brinaso ang pamunuan, binigyan ng perang hindi naman inyo para kanyang ipangampanya. Pinagtanggol pa nga sila sa Korte Suprema ng pasweldo ng taong gobyerno sa katauhan ng Solicitor General.
May mensahe ding ganito: Matuto daw tayong magpatawad bilang bansang Kristiyano. Igalang daw natin ang alaala ng yumao. Nailibing na naman, bakit hindi hanapbuhay ang atupagin? Sa kanila madali yang sabihin.
Sa maraming naulila, kaanak ng nasaktan, sa mga mulat ang isipan, mahirap tanggapin dahil mabigat sa damdamin. Lalo na kapag walang hustisyang nakamit, walang inusal na paghingi ng paumanhin, at walang totohanang pag-amin sa mga nagawang pagnanakaw, pagpatay, pagpapahirap, panghahalay.
Ngayon nga’y panlalansi’t insulto sa kamulatan ng bansang nilapastangan ang maraming karapatan ang patuloy na isinukli sa bilyun-bilyong kinupit sa kabang-yaman ng bayan. Papaano na ang paghilom, kung ganitong kahit sa kahulihuliha’y pinagkakait pa rin ang katarungan?
Kunswelo mang matatawag, hindi lahat ng nangyari noong Biyernes ay ikapanlulumo. Nasaksihan ng bansa na hindi naman talaga lubusang nawala ang alab ng katinuan at pagkamakabayan sa ating mga kabataan. Libu-libong mga millenials ang nanguna sa pagkilos upang kundenahin ang panakaw na libing.
Pagputok ng balita, isa-isang nagsilabasan sa klase. Random at biglaan. Walang plano. Hindi organisado. Tatlong eskwela sa QC. Nang mabuo ang hanay, nagmartsa papuntang UP Diliman. Bitbit ang mga plakard, iba-iba at kakaiba ang sinasabi, makabago ang mensahe, minadaling sinulat sa lumang mga karton at tarpaulin.
Nang magkita’y hiyawan, kanya-kanyang galit ang pinakawalan. Nabuo na naman ang Commune ng Diliman. Ateneo, UP at Mirriam. Tatlong bantayog ng Bagong Katipunan. Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko pero mas madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)