Parang apoy nang dumidila-dila sa singkwenta pesos ang halaga ng isang dolyar. Noong Biyernes, sumampa na nga ito sa P50 threshold ngunit matapos ang interbensyon sa merkado ay bumalik sa mas mababang halagang mahigit sa P49.00 kada pera ni Uncle Sam.
Nakita na ng ilang pantas ang ganitong senaryo ilang linggo pa lamang matapos mag-umpisang manungkulan ang bagong administrasyon. Resulta marahil ng mga pahayag ng bagong pangulo hinggil sa kanyang pagkiling sa ultra-protectionist policies at mga patakarang hindi sang-ayon sa makakanluraning mga bansa.
May mga nagsasabing artipisyal ang paggalaw ng halaga ng piso, maniobra umano ito ng mas malalaking estado laban sa interes ng ating bansa. Ngunit hindi kaya maaari ding ito ay epekto lamang ng mga hakbang ng mga mamumuhunang nagnanais isalba ang inilagak na kapital sa mga bansang mas matatag ang kalakaran sa polisiya at kalakalan.
Noong nagdaang Miyerkules nga, sa Pandesalan sa Kamuning Bakery – isang lingguhang media forum – na tinitimon ni Mr. Wilson Lee Flores, sinabi ng pinakamalaking trading partner ng Pilipinas na kinakatawan dito ni British Ambassador Asif Ahmad na nananatiling matatag ang ugnayang pangkalakalan ng bansa sa Britanya. Tila inalo pa nya ang agam-agam ng iba pang mga bansang may malaking interes dito na ang mga ganitong pagbabago ay mas maliit kung ikukumpara sa “common interest” ng dalawang magkaugnay na estado.
Kung istilo lang naman ng pamumuno, wala na umanong mas hihigit pa sa pagkamuhi sa sobrang pormalidad at tila nakastraight-jacket na dikta ng social etiquette o diplomasya sa Reyna ng Inglatera.
Sa usaping ito, halos hindi magkalayo ang kanilang reyna at ang ating pangulo. Kung mahilig sa chewing gum ang mama sa palasyo at magtiklop ng manggas ng kanyang barong sa harap ng pinakamalalaking tao sa mundo, si Queen Elizabeth II naman ay madalas umanong umeskapo sa mga bantay at mayordoma nito upang makaulayaw ng normal ang mga karaniwang tao.
Ang relasyong diplomatiko ng dalawang bansa ay lumalim na ng husto, at ito ay higit pa sa mga pagkakaiba ng istilo ng pamumuno at mga hindi pagkakaunawaan.
Sa ngayon, humigit kumulang sa 200,000 mga Pilipino ang nagtatrabaho sa iba’t ibang hurisdiksyon ng Iglatera sa mga linya ng information technology, engineering, aviation, education, hospitality at healthcare.
Sa ngayon, baha ang mga Pinoy nurses at iba pang propesyunal sa larangan ng kalusugan dahil sila ang tagapagtapal sa malaking kakulangan ng health professionals doon at itinuturing na nga silang mahalagang bahagi ng UK National Health Service.
Sana nga ay ganito ang pagtingin ng maraming Pilipino at mga bansang kaugnay natin, hindi lamang sa diplomasya at kalakalan, kundi pati na rin sa iba pang mahahahalagang larangan. Lumilipas ang mga pinuno at pangasiwaan ngunit dapat manatiling nakaangat sa mga ganitong pagbabago ang ugnayan ng kanya-kanyang mamamayan.
Maaaring magkakabangayan ang mga pinuno pero dapat ay ‘insulated’ sa mga ganitong malungkot na pangyayari ang ‘people-to-people relations’ dahil sa kahulihulihan at sa dulo ng lahat ng ito ay mas mahalaga pa rin ang nasasakupang mga tao kumpara sa mga namumuno. Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko pero mas madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)