Tukoy na ng Odiongan Municipal Police Station ang suspek ng PNP sa pagpatay sa dating konsehal ng bayan ng Odiongan, Romblon na si Dominador Bantang, kahapon ng umaga.
Kinilala ang suspek na pinsang buo pa ng biktima na si Lorimer Montilla Bantang, 57-years old, dating empleyado ng gobyerno.
Natukoy ang suspek matapos na ibulgar ng ilang witness na kapitbahay din ng dalawa na may isang lalaki silang nakitang lumabas ng bahay ng biktima matapos makarinig ng tatlong putok ng baril. Isa umanong lalaki na may dalang baril, nakasuot ng brown na damit, at yellow na shorts.
Agad namang nag request ang PNP sa Municipal Circuit Trial Court Branch 005 ng Search Warrant para payagang halughugin ang bahay ng suspek matapos mapag-alamang may expired na baril ito.
Sa isinagawang opersayon ng pulisya, nakuha sa bahay ng suspek ang isang caliber .38 pistol na may lamang 3 piraso ng bala, 34 piraso live pistol bullets na nakabalot pa, 3 piraso empty shells, at ang damit na di umano’y suot ng suspek ng gawin niya ang krimen.
Ayon sa suspek na si Lorimer Montilla Bantang ng makausap ng Romblon News Network, hindi niya umano maalala ang mga ginawa niya. Matagal na rin umano silang may away ni dating konsehal Bantang ngunit mga bata pa umano sila nito.
Paliwanag naman ng mga kamag-anak ng dalawa, may sakit sa pagiisip si Lorimer kaya hirap itong makausap.
Nakakulong na ang suspek sa Odiongan Municipal Police Station at inaasahang sasampahan ng kasong murder at paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Law on Firearm and Ammunition Regulation Act dahil sa pagtatago ng hindi lisensyadong baril at mga bala.