Binasbasan at Pinasinayaan na noong Biyernes ang bagong gusali na may dalawang silid-aralan sa Alad National High School sa bayan ng Romblon sa pangunguna ng mga opisyal ng local na pamahalaan at DepEd Division of Romblon.
Ang naturang gusali ay nagkakahalaga ng P1.5 milyon na proyektong pang-imprastraktura ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na KALAHI-CIDSS o ang Kapit Bisig Laban sa Kahirapan Program – Comprehensive Integrated Delivery of Social Services sa nasabing bayan.
Sa talumpati ni Mayor Mariano M. Mateo sa araw ng inagurasyon ay sinabi nito na mabilis na natapos ang nasabing proyekto dahil sa pagkakaisa ng lokal na pamahalaan, Department of Social Welfare and Development, Department of Education at pakikipagtulungan ng mga residente ng Bgy. Alad.
Nagpasalamat din si Roger F. Capa, OIC-Schools Division Superintendent sa pamunuan ng DSWD at LGU Romblon dahil ang mga bagong silid aralan ay makatutulong ng malaki sa kanilang implementasyon ng K-12 Program.
Ayon sa kinatawan ng DSWD Romblon, matibay ang pagkakagawa ng bagong gusali at maaari rin na gamiting evacuation center kapag may kalamidad o sakunang dumating sa naturang lugar.(DM/PIA-MIMAROPA/Romblon)