Si John Paul Faderogao, tubong Concepcion, Romblon ang isa sa dalawang Filipino na nagwagi sa nagdaang watercolor contest sa United Arab Emirates (UAE). Sa impormasyong nakalap ng Romblon News, First Place ang napanalunan ni John Paul sa nasabing kompetisyon. Inorganisa ito ng International Watercolor Society (IWS) na naka base sa Dubai bilang bahagi ng pagdiriwang ng kanilang unang anibersaryo.
Ang pagkapanalo na ito ni John Paul ay lubos na nagbigay ng karangalan sa buong Filipino community sa UAE at nagpahanga sa mga miyembro ng IWS dahil sa pambihirang galing na kanyang pinamalas.
Isang lalaki na may hawak na manok panabong ang naging paksa ng kanyang obra na ayon sa kanya, ang pagkahilig n’ya sa hayop at ang pagkahilig din ng mga taga Romblon sa sabong ang s’yang naging inspirasyon n’ya para gawin ang obra.
Ang mga nanalong paintings pati na ang ilang mga napiling kalahok ay naka-display ngayon sa The Cartoon Art Gallery sa Dubai.
Ang isa pang Filipino artist na nanalo ng 2nd Place sa naturang patimpalak ay si Kenneth Gequillo.