Pasok sa pangalawang pwesto si Jahaziel John Galicha Evangelio na pambato ng Romblon sa katatapos na Regional Search ng Exemplary Pantawid Child 2016.
Si Evangelio ay 12 taong gulang, Grade 7 student, naninirahan sa Bgy. Panique, Odiongan, Romblon at panganay sa apat na anak ni Teraline at John Rey Evangelio.
“Hilig nitong sumali sa oration at pagkanta na kasabay ang pagbi-beat box sa kanilang paaralan,” ayon kay Jomel Fillartos, Provincial Grievance Officer ng DSWD.
Ipinaliwanag ni Fillartos na ang Exemplary Child Search ay taunang ginagawa ng DSWD upang makita ang kontribusyon sa komunidad at eskwelahan ng mga batang benepisyaryo ng programa ng Pantawid.
Matatandaan aniya na ang pambato ng Romblon ang itinanghal na national champion noong 2014 sa katauhan ni Jemuel Steven Mago, 13 taong gulang mula sa bayan ng San Agustin, Romblon.
Isinasagawa ang ganitong search upang makita at maparangalan ang mga matatalino at talentadong anak ng Pantawid Pamilya kung saan ito ay nagpapatunay na nakatutulong at may impact sa edukasyon at kalusugan ng mga bata ang ayudang kaloob ng pamahalaan.
“Nakakatuwang makita na sa kabila ng kanilang pagiging kabilang sa maralitang pamilya ay maraming accomplishments ang mga batang ito,” pahayag pa ni Fillartos.
Makakasama pa rin si Evangelio sa mga batang sasabak sa National Level Search ngayong Nobyembre na nakatakdang ganapin sa PICC.