Ang mga mag-aaral sa Sibale Academy of Immaculate Conception sa bayan ng Concepcion, Romblon ay sumailalim sa Drug Abuse Prevention Education Seminar ng Concepcion Municipal Police Station.
Layunin ng seminar na itatak sa isipan ng mga kabataan na nakakasira ng buhay ang paggamit ng iligal na droga.
Isa ring adbokasiya ng mga tauhan ng Concepcion MPS na maprotektahan ang kalusugan ng mamamayan kung kaya patuloy ang kanilang pagpapakalat ng impormasyon hinggil sa masamang epekto ng ipinagbabawal na gamot sa katawan ng tao.
Ang mga estudyanteng lumahok sa Anti-Drug seminar ay tinuruan kung ano ang kanilang maaaring gawin upang maiwasan ang paggamit ng droga.
Ayon kay PO3 Marcela F. Fabregas, nagsilbing lecturer, ang mga kabataan ang pangunahing target ng mga nagbebenta ng iligal na droga dahil mas madali itong hikayatin para gumamit kaya dapat na sila ay magabayan ng maayos upang hindi matukso na gumamit nito.
Ang naturang aktibidad ay bahagi pa rin ng mas pinaigting na kampanya ng PNP upang masugpo ang iligal na droga na napakalaking suliranin sa ating bansa.
Pinalakas din ang pagpapatupad ng Barangay Anti-Drug Abuse Council (BADAC) sa nasabing bayan upang mapabilis ang pagpuksa sa iligal na droga.