Patay ang isang sundala ng Philippine Army matapos na pagsaksakin habang kumakain sa isang kainan sa San Jose, Occidental Mindoro, maghahating-gabi kagabi, November 21.
Kinilala ang biktima na si CPL Abundio Villamante Aljas, 44-taong gulang, miyembro ng Philippine Army 76 Infantry Battalion, at residente ng Bagong Silang, Barangay San Roque, San Jose, Occidental Mindoro.
Ayon sa imbestigasyon ng San Jose Municipal Police Station, kumakain umano ang biktima sa restaurant ng kanyang kaibigan ng magkaroon ng misunderstanding ito sa mga suspek na sina Ruel Enano Ilidan, 26-years old, Security Guard at residente ng Barangay La Curva ng parehong bayan; John Rey Dimapilis Manahan; Rinmar Ilidan Paz at Rogelio Guzi Gonzales.
Nang papaalis na si Aljas sa restaurant, bigla umano itong pinagsasaksak ng mga suspek sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.
Nakabunot pa ng baril ang biktima at nakapaputok pa kaya natamaan ang isa sa mga suspek na si Ruel Enano Ilidan.
Ayon sa report na ipinadala ni Police Supt. Imelda Tolentino ng Regional Public Information Office ng PNP MIMAROPA, nagtamo ang biktima ng 13 tama ng patalim sa katawan
Isinugod si Aljas at Ilidan sa pinakamalapit na ospital para sana gaumitin ngunit idineklarang dead on arrival ang dalawa ng attending physician.
Nakakulong na ngayon ang tatlo pang suspek sa San Jose Municipal Police Station para sa kaukulang kaso.