Ginising ng taga-tuhod na baha ang ilang residente ng apat na barangay sa bayan ng Odiongan sa Romblon ngayong araw.
Ang mga naapetkuhang lugar ay mga Barangay Poctoy, Libertad, Tumingad, at Tuburan.
Binaha ang mga nasabing barangay matapos bumuhos ang malakas na ulan na tumagad ng halos 5 oras magmula alas-2 ng madaling araw.
Ilang barangay road sa Barangay Tumingad ang nalubog rin matapos namang umapaw ang mga palayan.
Ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDDRMC), bumaha sa mga palayan dahil bumara ang ilang dayami (tira ng palay) sa mga daluyan ng tubig.
Sa Barangay Tuburan naman, tumaas rin ang ilog dahil sa pagbaba ng tubig galing sa mga bundok. Ilang residente ng isang Sitio sa nasabing Barangay ang stranded sa kabilang bahagi ng ilog. Hiling ng pamunuan ng Barangay mabigyan na sila ng hanging bridge para may madaanan na kung sakaling bumabaha.
Pansamantala ring walang kuryente sa Barangay Tuburan dahil sa pumutok na transformer ng kuryente habang nasa kasagsagan ng pagbayo ng malakas na ulan.