Pinag-iingat ng Department of Trade and Industry (DTI) – Romblon Provincial Office ang publiko sa pagbili ng mga mumurahing Christmas lights at mga lighting chains na posibleng maging sanhi ng sunog at banta sa kalusugan at kaligtasan ng publiko.
Dapat anilang maging mapagmatyag ang mga consumers sa pagbili ng mga seasonal items tulad ng Christmas lights at tiyakin ang bibilhing produkto ay sumailalim sa masusing safety evaluation.
Nagsasagawa rin ang DTI ng inspeksyon sa mga establisyementong nagtitinda ng Christmas lights upang alamin kung sumusunod sa mga itinakdang pamantayan ng produkto.
Kaugnay nito, nagpakalat ang ahensiya ng flyers at namigay ng ilang babasahin para maunawaan ng mga tao ang halaga ng Import Commodity Clearance (ICC) Stickers sa mga produktong gaya ng Christmas Lights.
Narito ang ilang tips ng DTI Romblon sa pagbili at paggamit ng mga Christmas light:
• dapat ay may ICC o Import Commodity Clearance sticker ang Christmas lights: paniguro ito na pasado ang produkto sa mandatory safety tests ng DTI;
• may pekeng ICC mark stickers (nakatatak na sa pakete o balot ng produkto): ang tunay na ICC Stickers ay foil-like hologram na may tatak na ICC seal at may nakasulat pang serial number at ng taon ng sertipikasyon;
• suriin ang packaging:dapat nakasaad ang kompletong pangalan at address ng importer o distributor, rated voltage at wattage ng set, rated voltage at wattage ng lamps, markang “For indoor use only”, batch/lot code at bar code, brand name, standard used (PNS 189:2000) at bansang pinanggalingan ng package;
• tingnan ang outer diameter size ng wire:dapat 1.5 millimeters in diameter;
• iwasan ang ang connecting multiple sets ng Christmas lights: hanggang tatlong 50 bulb sets ng Christmas lights ay pwedeng ikonekta hanggang dalawa para sa 100-bulb set ng mga ilaw;
• suriin muna ang plug at wire ng lumang Christmas lights bago gamitin: itapon ng maayos at huwag panghinayangan kung marupok na o may sira na; at
• upang makaiwas sa sunog, huwag iwanang nakabukas magdamag ang Christmas lights.(
Binabantayan din ng DTI – Romblon ang presyo ng mga produktong pang-noche buena sa mga palengke at tindahan sa buong lalawigan.