Tatlumpo’t tatlong coconut farmers sa Bgy. Sablayan sa bayan ng Romblon ang nakatanggap kamakailan ng kabayaran sa kanilang mga itinanim na niyog sa ilalim ng Participatory Coconut Planting Program (PCPP) ng Philippine Coconut Authority (PCA).
Binayaran ng PCA ang 3,500 na pinatubong niyog ng mga magsasaka sa naturang munisipalidad na aabot sa kabuuang halaga na P77,000.
Ang insentibong tinanggap ng mga magniniyog ay kaugnay pa rin sa patuloy na pagpapatupad ng PCPP kung saan binabayaran ng PCA ang mga ito sa pagpapatubo at pagtatanim ng niyog sa kanilang lupain.
Sa ilalim ng PCPP ay babayaran ng PCA ang bawat napatubong binhi ng halagang P18 at kapag naitanim na ang mga ito ay may karagdagang P22 pa na tatanggapin ang isang coconut farmer.
Pinangunahan ni Hazel B. Noche, coconut development officer ang PCA – Romblon ang nagsagawa ng pamamahagi ng tseke para sa mga magniniyog na ginanap sa Office of the Municipal Agriculturist (OMAg)-Romblon.