Aabot sa 15 pamilya sa dalawang barangay sa bayan ng Odiongan, Romblon ang inilikas ngayong hapon, November 25, matapos na umapaw ang Tuburan River dala ng malakas na pag-uulan dulot ni bagyong #MarcePH.
Apektado ng baha ang mga Barangay Panique at Barangay Libertad.
Ang mga inilikas ay mga bata at mga matatanda na inabot ng baha ang mga pamamahay.
Pansamantala muna silang magpapalipas ng gabi sa evacuation center ng barangay libertad hanggang sa humupa ang baha sa kanilang lugar. Sasagutin naman ng barangay ang kanilang pagkain ngayong gabi hanggang sa makauwi sila.
Ayon sa isang residente, halos kalahati ng kanilang bahay ang taas ng baha bandang alas-dos ng hapon kanina.
Ilang kalsada rin ng National Road sa mga nasabing barangay ang umabot sa bewang ang baha. Pansamantalang hindi nakadaan ang mga sasakyan noong kasagsagan ang baha ngunit nakadaan rin paghupa nito.
Patuloy namang pinag-iingat ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council ang mga barangay na flood prone na maging handa sa patuloy na pag-uulan.