Pangungunahan ng Calatrava Municipal Police Station ang isang “unity run” na isang paraan ng kampanya laban sa ilegal na droga sa ika-12 ng Nobyembre 2016 taglay ang temang “Takbo para sa Pagbabago, DROGA’Y iwasan Mo!”
Ang takbuhan ay magsisimula sa covered court ng Calatrava, Romblon dakong alas-5:30 ng umaga at iikutin ng mga kalahok ang buong kabayanan.
Sinabi ni Police Senior Inspector Gemmie M. Mallen, OIC-Chief of Police ng Calatrava MPS, na ang kanilang gagawing aktibidad ay naglalayong palakasin ang kampanya laban sa bawal na gamot sa nasabing bayan.
Ang pagtakbo sa mga pangunahing kalasada ng bayan ay inaasahang lalahukan ng mga kapulisan, mga empleyado ng munisipyo, barangay officials, mga estudyante at civic organizations.
Layunin din nito na mabigyang babala ang mga gumagamit ng ipinagbabawal na gamot at makakuha ng suporta sa mga stakeholders pati na rin sa komunidad sa pakikipabaka laban sa bawal na droga.
Ayon pa kay PSInsp. Mallen, ang registration fee na kanilang makakalap ay kanilang ilalaan sa mga programa at benepisyong makatutulong sa mga drug surrenderers sa kanilang lugar.