Kalat sa iba’t ibang bayan ng lalawigan ng Romblon ang tarpaulin na may mukha nina Congressman Emmanuel Madrona at dating Congressman Eleandro Jesus Madrona.
Sa mga litratong ipinadala sa Romblon News Network ng ilang netizens, makikita ang pasasalamat ilang tarpaulin na ipinaskil mismo sa mga proyektong ipinagawa ng Department of Public Works and Highways-Romblon sa lalawigan.
Ayon sa isang opisyal ng munisipyo ng San Fernando na nakausap ng Romblon News Network, si dating Congressman Eleandro Jesus Madrona umano ang naghanap ng pundo para sa ilang proyekto ng DPWH-Romblon at ito umano ang paraan ng mga residente upang pasalamatan ang dating Congressman.
Sa bayan ng Odiongan, nakita ng Romblon News Network team sa ilang proyektong kalsada ng DPWH-Romblon sa Barangay Liwayway, Liwanag at Tabin-Dagat ang nasabing tarpaulin.
Ayon sa isang Sanguniang Bayan member ng Odiongan, hindi naman umano galing sa matataas na opisyal ng Romblon ang tarpaulin kundi galing mismo sa mga Barangay Captain na nanguna sa pagpapagawa nito.
“Hindi ko alam kung saan galing yan kung budget ng barangay o sariling pera ng barangay captain, magkano lang naman kasi yan, P500 to P1000.” ayon sa SB member na ayaw magpakilala sa publiko.
Pagpapakita rin umano ito ng pasasalamat dahil nailagay bilang priority ang mga projects sa barangay nila noong panahon ni Congressman Eleandro Jesus Madrona.