Umabot na sa 26 cases ng suspected chikungunya infection ang naitala ng Provincial Health Office (PHO) sa bayan ng Odiongan nito lamang September.
Ayon sa nakuhang data ng Romblon News Network, pinakamaraming naitalang kaso ay sa Barangay Batiano kung saan umabot na sa 17 ang suspected cases.
Ang iba pang barangay na merong kaso ay ang Barangay Tabing-Dagat, Budiong, at Barangay Dapawan.
Ayon kay Dra. Ederlina Aguirre ng Provincial Health Office, nagsimulang tumaas ang kaso ng chikungunya infection sa Odiongan ay nitong August 26 kung saan may mga pasyente sa Romblon Provincial Hospital na nakitaan ng sintomas ng nasabing sakit.
Sa 26 cases na ito, 6 na ang kompirmadong tinamaan ng virus matapos magpositibo sa isinagawang test sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM).
Ayon pa kay Dra. Aguirre, hindi naman nakakamatay ang nasabing virus ngunit papahirapan ka dahil sa sakit ng katawang mararamdaman mo.
“Hindi siya deadly katulad ng dengue, pero yung joint paints, lagnat, at iba pang sintomas, yun ang magpapahirap sayo,” ayon kay Dra. Aguirre.
Patuloy naman umano ang pakikipag coordinate ng PHO sa Municipal Health Officer at sa mga barangay upang mas mabantayan ang maaring pagkalat ng virus. Nagsasagawa na rin ng mosquito misting sa mga apektadong barangay.
Paalala ng PHO, panatilihing malinis ang paligid ng ating mga pamamahay para maiwasang makapamahay ang mga lamok na may dala ng nasabing virus.