Sinampahan na ng kasong murder ang riding-in-tandem na kalaunan ay napag-alamang pulis na sangkot sa pagpatay sa isang crime watch leader ng Gloria, Oriental Mindoro nitong gabi ng October 09.
Kinilala ang mga suspek na sina Inspector Markson Almeranez, hepe ng Socorro, Oriental Mindoro at si Police Inspector Magdaleno Pimentel Jr., miyembro naman ng Oriental Mindoro Police Public Safety Company (PPSC).
Pinagbabaril umano nina Pimentel at Almeranez ang biktimang si Zenaida Luz, chairperson ng isang crime watch group sa rehiyon, bandang alas-11 ng gabi sa harap ng kanyang pamamahayay sa Brgy. Maligaya, Gloria, Oriental Mindoro nitong gabi ng October 09.
Naka sibilyan ang dalawa ang dalawa habang nakasakay sa motorsiklo, ayon sa police report.
Agad namang rumesponde ang mga pulis ng Gloria Municipal Police Station at hinabol ang dalawang suspek. Nagkabarilan ang dalawang grupo at sa huli’y nasugatan ang dalawang suspek.
Ayon kay Police Senior Supt Christopher Birung, Director ng Oriental Mindoro Provincial Police Office, ng makapayam ng Romblon News Network, maliban sa murder na isinampa sa pagkamatay ni Luz, kinasuhan rin ang dalawang suspek ng attempted multiple muder matapos na paputukan ang mga rumespondeng pulis ng Gloria Municipal Police Station.
Dagdag ni Birung, nagpapagaling ngayon ang dalawa sa isang Hospital sa Calapan City.
Patuloy namang iniimbestigahan ng Internal Affairs Service ng Region 4B ang dalawang suspek, ayon kay Birung. Tinanggal na rin sa pwesto bilang hepe ng Socorro Municipal Police Station si Almeranez.