Hinihimok ng National Food Authority (NFA)-Romblon ang publiko na kumain ng brown rice dahil ito ay makakabawas sa tiyansa ng diabetes at mga cardiovascular diseases.
Inilunsad ngayong linggo ng NFA-Romblon ang #BROWN4good challenge sa bayan ng Romblon kung saan ang mga kawani ng NFA ay sabay-sabay na kumain ng brown rice sa boodle fight na ginanap sa kanilang tanggapan.
Ang brown rice na tinatawag ding “unpolished rice” ay ginagawa sa paraan ng paggiling ng palay kung saan tanging ang ipa lang ang inaalis kaya mas may pakinabang sa nutrisyon ang pagkain ng brown rice kung ikukumpara sa puting bigas na karaniwang kinakain.
Sinabi ni NFA Provincial Manager Romulo Aldueza na ayon sa ilang mga survey, marami ang namamatay dahil sa cardiovascular diseases at diabetes kaya naman dito tayo matutulungan ng brown rice.
Aniya, dahil sa polishing o milling ay nawawala sa bigas ang 15 porsiyento ng protein content, 85 porsiyento ng fats, 80 porsiyento ng thiamine, 75 porsiyento ng riboflavin, 68 porsiyento ng niacin, 90 porsiyento ng calcium, 75 porsiyento ng phosphorus at 60 porsiyento iba pang mineral.
Binigyang-diin nito na malaking bahagi ng sustansiya ang nawawala sa well-milled rice na dapat sana ay pinakikinabangan ng kumakain ng nito.
Bagama’t mas mahal ang brown rice, mas malaki naman ang pakinabang nito sa kalusugan dahil mayroon umano itong mababang glycemic index kumpara sa white rice.
Nilinaw rin pamunuan ng NFA-Romblon, na ang lahat ng unpolished rice ay kinokonsidera pa rin na brown rice at hinihikayat din nito ang mga restaurant o kainan na maglagay ng brown rice sa kanilang menu.