Isandaang porsiyento nang handa ang lungsod ng Puerto Princesa na siyang punong abala sa selebrasyon ng Mimaropa festival at iba pang kaganapan sa mahabang unang linggo Nobyembre.
Ito ang tiniyak ni Mimaropa Event Chairperson Carlo Abogado sa pakikipag-ugnayan ng Philippine Information Agency (PIA)-Palawan sa opisyal.
“Handa na tayo para sa implementasyon ng mga aktibidad, naka-kasa na iyong paghahanda ng bawat komite”, ani Abogado.
Dagdag pa ni Abogado, ang kalagayan ng panahon lamang ang posibleng magiging sagabal sa mga nakahanay na programa.
Tiniyak rin ng komite ang mahigpit na seguridad na ipatutupad sa simula pa lamang ng araw ng pagdagsa ng mga bisita sa lungsod.
Tinuran naman ni Retired Senior Supt. David Martinez, pinuno ng City Public Order and Safety na ginagawa na nila sa kasalukuyan ang plano ng ipatutupad na daloy ng trapiko.
Kaugnay nito, tatlong programa ang nakahanay na gagawin sa mga pangunahing lansangan ng lungsod partikular na ang parada, drum and lyre at street dancing competition ng PPUR at pang-rehiyong kapiyestahan.
Hindi lamang ang festival ang pinaghahandaan ngayon ng siyudad kundi maging ang mga kasabayan nitong Puerto Princesa Underground River (PPUR) Day sa Nobyembre 11. Sa ikatlong araw pa lamang ng buwan ay sisimulan na ang mga gawain sa selebrasyon. Susundan naman ito ng Asian Dragon Boat Championship sa ika-12 hanggang 13 ng Nobyembre.
Sa lungsod din isasagawa ang ika-anim na pagpupulong ng bumubuo ng mga Punong Hurado ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) patungkol sa kalikasan.
Ginanap ang pinakahuling pagpupulong noong Oktubre 14 ng bumubuo ng komite kasama ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang probinsya at lokal na pamahalaan na lalahok sa kapiyestahan. (LBD/PIAMIMAROPA-Palawan)