Naka dipende parin umano sa mga transport group kung pagbibigyan nila ang hiling na makakuha ng prangkisa ang mga UV Express na gustong bumiyahe sa Tablas Island.
Sa ginawang committee hearing ng Committee on Transportation ng Sanguniang Panlawigan kanina, sinabi ni Chairman SP Felix Ylagan na dapat pag-usapan ng dalawang partido (ang transport group at ang mga may-ari ng UV Express) ang maaring maging epekto nito sa mga drivers at operators gayun na rin ang pagbibigay ng oras ng pagbiyahe ng mga UV Express.
Ipinunto naman ng Tablas Ikot Tours, ang grupo na may hawak sa mga ipapasok na UV Express na point to point lang ang gagawi nilang biyahe at ang pag-alalay sa mga turistang gustong bumisita sa lalawigan.
Sa ngayon tanging ruta munang San Agustin to Odiongan at pabalik ang kanilang kukunin.
Nababahala naman dito ang mga transport group sa Tablas Island dahil malaki ang mababawas sa kanilang mga kita at maapektohan ang kanilang mga biyahe.
Ikinatuwa naman at pinaburan ng ilang dumalo sa committee hearing ang pasok ng mga UV Express sa Tablas, ang ilan rito ay sina SP Sam Romero, SB Joy Morales ng Alcantara, at Vice Mayor Gadaoni ng Looc.
Ayon sa kanila, hindi na mapipigilan ang pag-unlad ng lalawigan lalo na ang Tablas Island at maaring sa mga susunod na taon ay lalo pang dumami ang mga turistang bibisita rito. Sinabi rin nila na maraming mga PUVs ang colorum na bumabiyahe parin sa Tablas, ilan rito umano ay 15 years old na ang mga sasakyan kaya hindi na binibigyan ng prangkisa ng LTFRB.
Ilan pa na dumalo sa pagpupulong ay sina SP Andres Fondevilla, SP Fred Dorado, SP Abner Perez, at Armando Guttierez Sr.
Aminado naman si LTO-Romblon Chief Eva Liza Aseron na maraming mga PUVs sa lalawigan ang paso na ang prangkisa. Ayon sa kanya aabot lamang sa 71 na jeepneys na bumabiyahe sa tatlong isla na may mga prangkisa.
Wala naman umano silang kakayahang hulihin ang mga lumalabag dito dahil tanging ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang may kakayahan sa batas na manghuli rito.
Binabalak naman ng dalawang grupo na muling magpulong sa darating ng mga linggo upang makapag desisyon na kung papayagan at ma-endorso na rin ng Sanguniang Panlalawigan ang application ng Tablas Island Ikot sa LTFRB.