Ang mga tanod sa bayan ng Calatrava ay sumailalim sa Barangay Peacekeeping Action Teams (BPATs) Training upang matiyak na magiging handa sa pagresponde at epektibong mapanatili ang katahimikan at kaayusan sa mga barangay.
Ito ang pangunahing layunin ng BPATs Training na itinaguyod ng Calatrava Municipal police Station para sa nasasakupang barangay nito.
Ang nasabing pagsasanay ay dinaluhan ng Barangay Peacekeeping Action Teams (BPATs) mula sa pitong barangay kung saan tinuruan ang mga ito ng kaalaman na makatutulong sa pagpapanatili ng kapayapaan, mapangalagaan ng kaayusan at katahimikan ng kanilang komunidad.
Ayon kay Police Senior Inspector Gemmie M. Mallen, nakatalagang Chief of Police sa Calatrava MPS, ang pagsasanay ay sumentro sa handcuffing technique, police operation, basic investigation bilang mga first responder at pagtuturo ng arnis sa mga kalahok para maprotekhan ang kanilang sarili sa inaarestong nanlalaban.
Tinalakay rin sa mga tanod ang tamang pagresponde sa mga naiuulat na insedente sa kanilang lugar at kung paano ang pagtatala nito sa Barangay Blotter Book.
Itinuro rin sa mga sumailalim sa pagsasanay kung paano maiwasan ang kontaminasyon sa crime scene, mga tamang procedure ng pag-iimbestiga sa insidente o krimen at mabilis na pagpaparating nito sa imbestigador ng PNP.
Inaasahan ng pulisya na sa pamamagitan ng pagsasanay na ito ay kanilang nabigyan ng sapat na kakayahan at kaalaman ang mga barangay tanod para sa epektibo nilang pagganap sa kani-kanilang mga tungkulin at responsibilidad upang labanan ang kriminalidad sa mga barangay.