May sampung centenarian o yung may edad 100 pataas sa Romblon ang kinilala ng pamahalaang panlalawigan bilang bahagi ng pagdiriwang ng Linggo ng Katandaang Pilipino.
Ang pagkilala at pagbibigay ng insentibo sa sampung centenarian ay isinagawa kamakailan kasabay ng programang inihanda para sa mga miyembro ng Senior Citizens na ginanap sa covered court ng Romblon public plaza.
Ang mga kinilalang centenarian ay sina Apolonia Isidro, 103 taong gulang ng bgy. San Isidro, Looc; Eugenia Ang, 100 taong gulang ng Bgy. Concepcion Sur, Sta. Maria; Rosalia Leocadio, 100 taong gulang ng Bgy. Agojo, Looc; Maria Cahilig, 103 taong gulang ng Bg. Madalag, Alcantara; Condrado Andres, 103 taong gulang ng Bgy. Buenavista, looc; Felipe Gaa, 100 taong gulang ng Bgy. Poblacion, Looc; Teresa Fetalvero, 100 taong gulang ng Bgy. Tumingad, Odiongan; Severa Madrona, 106 taong gulang ng Bgy. Li-o, Romblon; Felomina Falic, 101 taong gulang ng Corcuera at Esmeralda Faner, 101 taong gulang ng Corcuera.
Pinangunahan ni Governor Eduardo C. Firmalo ang pamamahagi ng 10,000 halaga ng gift certificate sa mga centenarian upang maipambili ng mga ito ng pagkain at gamut.
Sa kanyang talumpati ay nagpaalala ang punong lalawigan sa mga dumalo na ipadama ang kanilang pagmamahal at pagkalinga sa kanilang mga magulang habang may pagkakataon pa.
Sa nasabing programa ibinahagi ng pamunuan ng DSWD-Romblon ang magandang balita hinggil sa Republic Act 10868 o ang Centenarians Act of 2016, isang bagong batas na magkakaloob ng P100,000 na perang insentibo at karagdagang mga benepisyo sa mga sentenaryong Pilipino na naninirahan sa loob o labas ng bansa.
Ang tema ng pagdiriwang ngayong taon ay “Pagmamahal at Respeto ng mga Nakababata, Nagpapaligaya sa mga Nakatatanda.”