Ang mga tauhan ng Office of the Provincial Veterinarian (ProVet-Romblon) sa pakikipagtulungan ng Department of Agriculture (DA)-MiMaRoPa Region at MiMaRoPa Veterinarians ay nagsagawa ng libreng Vaccination and Population Control sa pamamagitan ng Mass Spaying (pagkapon) and Neutering (pag-ligate) sa mga aso at pusa sa bayan ng Romblon.
Ang naturang aktibidad ay magkakasunod na ginanap sa covered court ng Romblon public plaza at Multi-purpose hall ng Bgy. Sawang, Romblon simula ika-26 hanggang ika-27 ng Setyembre 2016.
Sa dalawang araw na pagsasakatuparan ng programa ay 85 aso ang nabakunahan ng anti-rabies vaccine, 97 ang nakapon, 54 ang na-ligate at 5 naman ang sumailalim sa konsultasyon o pagsusuri ng mga beterinaryo.
Sinabi ng Panlalawigan Beterinaryo ng Romblon na si Paul M. Miñano, DVM, na layunin ng kanilang tanggapan na tuluyan nang mawala ang rabies upang maideklarang rabies free zone ang lahat ng mga munisipyo sa buong lalawigan.
Ang pagkontrol sa populasyon o pagdami ng mga alagang aso at pusa ay isa umanong mabisang paraan upang masugpo ang pagkalat ng rabies na galing sa mga ganitong hayop.
Paliwanag ng mga beterinaryo, ang pagkakapon ay isang karaniwang operasyon na kung saan ang bayag (testicles) ng lalake (neutering) at obaryo ng babae (spaying) ay tinatanggal.
Ito ay ginagawa ng isang lisensiyadong beterinaryo habang ang hayop ay tahimik at nasa ilalim ng pangkalahatang kawalan ng pakiramdam dahil tulad ng anumang uri ng operasyon sa tao, ginagamitan ng anestesya o gamot na pampatulog ang mga aso at pusa na isasailalim sa surgical sterilization.
Muling nagbigay paalala rin ang Office of the Provincial Veterinarian at Office of the Municipal Agriculturist (OMAg)-Romblon may parusa para sa mga iresponsableng may-ari ng aso alinsunod sa R.A. 9482 o ant-Rabies Act of 2007.