Inilatag na ng mga pangunahing ahensiya ng pamahalaan na nangangalaga sa katahimikan at kaayusan ng lipunan ang Oplan: Ligtas Biyahe 2016 na magtatagal hanggang sa Miyerkules, ika-2 ng Nobyembre.
Nakahanda nang ilunsad ng Romblon Police Provincial Office at Land Transportation Authority ang road safety campaign nito bilang paghahanda sa pagdiriwang ng Undas sa darating na Martes.
Ang Oplan: Ligtas Undas 2016 ay programa ng pamahalaang nasyunal na magkakatuwang na ipinatutupad ng Department of Transportation (DOTr), Philippine National Police (PNP), Land Transportation Office (LTO), Philippine Coast Guard (PCG), Bureau of Fire Protection (BFP) at iba pang line agencies.
Layunin nito na tiyaking ligtas at maginhawa ang pagbiyahe ng mga motorista at commuters na dadagsa sa mga sementeryo upang dumalaw sa kanilang mga namayapang mahal sa buhay.
Tiniyak ng PNP at PCG sa Romblon na magtatalaga sila ng mga tauhan na magbabantay sa mga terminal ng bus, jeepney at mga pantalan ngayong huling dalawang araw ng Oktubre hanggang sa unang linggo Nobyembre.
Ang LTO naman ay magsasagawa ng inspection sa mga pampublikong sasakyan upang tiyakin na maayos at ligtas gamitin sa biyahe ang mga ito.
Maglalagay rin ng mga pulis ang RPPO sa mga sementeryo upang magbantay at magmatyag para mapigilan ang mga masasamang elemento na posibleng samantalahin ang pagkakataong gumawa ng krimen.
Aalalay naman ang mga tauhan ng BFP sa mga dadalaw sa puntod ng kanilang mga mahal sa buhay at magbibigay ng first aid sa mga taong posibleng mahilo sa sementeryo.
Inatasan na rin ng pamunuan ng RPPO ang lahat ng chief of police na bantayang maigi ang mga sementeryo na kanilang nasasakupan simula tanghali ng Nobyembre 1 hanggang alas 5 ng umaga sa Nobyembre 2. Magiging kabalikat ng pulisya sa gawaing ito ang mga miyembro ng Public Safety Office at mga barangay tanod.
Pinaaalalahanan din ng mga awtoridad ang publiko na hindi pahihintulutan na magdala sa loob ng sementeryo ng mga ipinagbabawal gaya ng alcoholic beverages, deadly at bladed weapons, gamit sa pagsusugal at loudspeakers.
Pahihintulutan lamang sa sementaryo ang pagkain, inuming hindi nakalalasing, payong o kapote, trash bags at first-aid kit.
Pinapayuhan din ang mga magulang na lagyan ng ID ang mga batang isasama sa sementeryo para madali itong mahanap at maibalik sa kanila kung sakaling sila’y maligaw o mawala.
Mag-aantabay rin ang mga fire trucks ng BFP sa posibleng insidente ng grass fire at ang ambulansiya ng mga Rural Health Units para mabilis na maisugod sa ospital ang mga biglaang pagkasakit o anumang aksidente.
Tutulong din ang mga trained medics ng Philippine Red Cross at Local Risk Reduction and Management Office kung sakaling may mga makakaranas ng pagkahilo.
Magtatayo rin ng public assistance desks o action center na maaaring lapitan, hingan ng tulong at pag-sumbungan ng mga mamamayan kung sakaling mayroon silang idudulog na reklamo.