Ang #KwentongNakakatakot ng Romblon News Network ay bahagi ng pagdiriwang ng panahon ng mga ghost at horror stories. Ang mga kwento sa baba ay base sa mga totoong nangyari.
Araw ng October 24, pumunta ako sa isang resort sa bayan ng Alcantara para magpahinga at magmuni-muni. Nasa kabilang bayan kasi ang resort na ito at malayo sa bahay namin kaya nanghiram ako ng motor sa tita ko para sana makapunta doon. Umuwi ako matapos ang tatlong oras ng aking pagmuni-muni, ayon, masaya naman ako. Nag-drive na ako pauwi sa bahay namin sa kabilang bayan ngunit ng madaanan ko ang bahay ng kamag-anak namin sa Looc, tumigil ako para mangamusta. Hanggang sa tumingin ako sa orasan at napansing kong alas-7 na pala ng gabi, pero tinuloy ko paring umuwi kasi ilang kilometro nalang rin, bahay na namin.
Nakikinig ako ng music habang nagmamaneho pauwi para na rin iwas takot at malibang sa music habang nagmamaneho ng motorsiklo ng tita ko. Hindi naman ito first time para sa akin na mag maneho ng gabi kasi magala naman akong tao kahit mag-isa lang. Though, nakakaramdam rin naman ako ng mga presensya ng mga spirits, pero wala naman yun para sa akin at hindi ako natatakot.
Medyo malamig ang ihip ng hangin ng mga panahong iyon at kakaunti rin ang mga bahay na nadaanan ko. Nang ako’y dumating na sa medyo liblib na lugar ng daan, paglampas ng isang tulay, napansin ko na parang bumigat ang motorsiklong minamaneho ko na parang may angkas ako na ibang tao, hindi na ako tumingin sa side mirror at nagpatuloy nalang sa biyahe. Napapadasal na ako noon kasi nga mabigat talaga yung motor, gumaan nalang siya ng matapos ako manalangin sa isip ko.
Tuloy parin ako sa pagmamaneho hanggang dumating sa lugar na di umano’y may nagpapakitang aswang, nararamdaman ko na parang ang bagal ng patakbo ko pero base sa speedometer ng sasakyan ko nasa 60kph ang takbo ko. Dito ko biglang napansin na parang hindi na ako umaalis yung motorsiklo sa pwesto nito, hinding hindi ko talaga ito makakalimutan.
Napadasal ako at napasigaw. Kasi parang wala ring silbi yung pagmumuni-muni ko kasi iniisip ko mamamatay na ako pero nanalangin pa rin ako.
Sumisigaw rin ako ngunit pakiramdam ko walang nakakarinig sa mga pinagsasabi ko. ‘Udum’ ata ang tawag doon.
Praise God lang at narinig niya ang dasal ko, may dumaan kasing motor pero muntik na kaming magkabanggaan kasi nawalan raw ng ilaw yong motor ko pero hindi ko naman pinatay ang makina. Napansin lang ako ng driver kasi may narinig siyang sigaw kaya binagalan niya ang patakbo niya.
Ayon, tinulungan niya ako pero hindi ko na natanong pangalan niya. Uminom lang ako ng tubig na baon ko at nagpatuloy na sa pagmamaneho kahit may takot parin ako at kaba.
Praise God naman at safe akong nakauwi ng bahay. Nung tumawag ako sa tita ko sa kabilang bayan, sinabi niya sa akin na meron nga talaga doong aswang at maraming naaksidente sa lugar na iyon.
Lesson learned talaga sa akin na huwag nang umalis ng bahay kung hindi naman importante ang iyong lakad lalo na pag gabi. Thought, we are in the protection of Papa God, the evil one is doing everything to destroy us.