Ang #KwentongNakakatakot ng Romblon News Network ay bahagi ng pagdiriwang ng panahon ng mga ghost at horror stories. Ang mga kwento sa baba ay base sa mga totoong nangyari sa mga may akda.
Ako’y isang barangay kagawad sa isang barangay sa bayan ng Alcantara. Bawat taon, lagi kamin nagpaplano at nagsasagawa ng isang Halloween Party para sa maliit naming mga kabarangay. Isang taon, hindi natuloy ang aming halloween party dahil biglang bumuhos ang malakas na ulan bago palamang magsimula ang programa.
Naghintay parin kami at umaasa na titila ang ulan para maipagpatuloy namin ang naudlot na program ngunit parang ayaw ata talaga ng panahon dahil hindi ito tumigil bagkos lumakas pa.
Nakiusap sa amin ang may-ari ng sound system na aming inimbeta para sana sa programa na baka sana pwedeng gamitin nila ang barangay hall para doon muna itago ang mga sound system nila at doon na rin magpalipas ng umaga. Pumayag naman ang mga kasama ko at gayun na rin ang mga organizers ng event, sinamahan namin sila sa barangay hall.
Ako naman sumama rin kahit parang na-aalangan na matulog sa Barangay Hall dahil sa kalilibing pa nga lamang ng namatay na kagawad na kasama namin sa konseho.
Dahil nasa loob na rin kami, naisip namin na mag-inuman nalang muna bago matulog total nandun na rin kami at saka malamig sa labas gawa ng malakas ang buhos ng ulan. Ilang minuto pa ang lumipas, biglang nawalan ng kuryente.
Dahil madilim na, nagpasya nalang ang iba na matulog na ngunit ang iba ay naiwang nag-iinuman at nagtiis nalang muna sa kandila.
Mga ilang minuto pa ang lumipas, biglang umiyak ang isa sa mga kasama namin, yun pala nagising siya at di umanoy may napanaginipan.
Kwento ng kasama namin, napanaginipan umano nila ang isang bata na kinakawayan siya bago ito tumakbo patungo sa likod ng barangay hall. Paliwanag niya parang gising siya dahil ang panaginip niya ay mismong sa barangay hall rin ang lokasyon.
Bigla namang nagsiksikan ang lahat ng nasa barangay hall sa opisina ng barangay captain namin ng bangitin ng kasama namin na ang napanaginipan niyang bata na kumakaway sakanya ay maitim raw at madungis. Nagsitayuan ang mga balahibo namin ng marinig namin iyon.
Marami na raw kasi ang nakasaksi sa batang ito na naglalaro sa ikalawang palapag ng Barangay Hall lalo na kapag dis oras ng gabi. May mga nakarinig na rin umanong may naglalakad na parang naglalaro na wala namang tao. Matapos ang ilang minuto ng kami’y mahimasmasan, nagsitulog nalang ang lahat.
Sa kalagitnaan ng tulog, nagising ako dahil napansin kung lumabas ang isa sa mga tauhan ng sound system para umihi. Dahil sa malakas ang ulan na may kasama pang kidlat, mas pinili niya nalang na sa may bintana umihi para malapit. Habang papabukas palang umano siya ng zipper ay napatingin siya sa labas ng barangay hall at may naaninag umano siyang parang hugis tao sa anino galing sa sinag ng buwan.
Tinatawag raw itong ‘last quarter’ o ‘kamatyanan’ kaya daw umuulan.
Pag tingin niya ng mabuti sa labas ng barangay hall may nakita siyang lalaking nakabarong at nakatitig umano ito sa kanya. Napansin rin namin tulala ito habang nakatitig sa labas. Kwento niya sumisigaw umano siya sa amin ngunit wala naman kaming narinig na sigaw niya.
Maya-maya pa, may narinig kaming kalabog sa ikalawang palapag ng barangay hall. Hindi namin alam ang gagawin ng mga panahong iyon.
Nang tingnan ko ang relo, napansin kong alas-12 na ng gabi, dito ko na naalala ang kasama kong kagawad na kakamatay lang.