Pinasasampahan na ng kasong paglabag sa Section 3 (e) ng RA 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act ng Ombudsman sa Sandiganbayan si dating Congressman Eleandro Madrona at anim niyang kasama matapos ma-deny ang ipinasa nilang motion for reconsideration.
Ang nasabing kaso ay kaugnay sa maanumalyang P5-million fertilizer fund scam na isinampa ng dating vice mayor ng bayan ng Romblon na si Lyndon Molino. Ayon sa kasong isinampa ni Molino sa Ombudsman, ‘overpriced’ umano ang fertilizer na nabili ng Provincial Government sa isang Feshan Philippines Incorporated noong 2004, panahong Gobernador palang ng lalawigan si Eleandro Madrona.
Kasama sa mga pinasasampahan ng Ombudsman sina Geishler Fadri, dating Provincial Agriculturist; Anthony Rugas, dating Department head ng General Services Office; Oscar Galos, dating senior provincial agriculturist; isang Richard Lozada at Elisa Morales.
Ayon sa Joint Order ng Ombudsman na pinirmahan ni Ombudsman Conchita Carpio Morales nitng July 21, 2016, sinabi rito na sina Congressman Madrona, Geishler Fadri, Oscar Galos, Anthony Rugas at Richard Lozada ay nabigong magbigay ng mga bagong ibedensya para maapektuhan ang nasabing joint resolution.
Ang mga nakasaad umano sa kanilang motion for reconsideration ay na evaluate na at na-discuss na noon.
Matatandaang nitong 2015 natanggal sa pwesto sa provincial government sina Geishler Fadria at Richard Lozada habang si Ranilo Fruelda ay nasa opisina parin pero walang sahod sa loob ng anim na buwan.
Noon February 3, 2004; nag-labas ang Department of Budget and Management (DBM) ng P728-million para sa Department of Agriculture (DA) para umano sa mga proyekto ng DA na Ginintuang Masaganang Ani (GMA). Isa umano ang Romblon sa mga nakatanggap ng nagkakahalagang P5-million para sa pag implementa ng programa.
Ayon pa kay Molino, nag-request umano si Provincial Agriculturist Geishler Fadri na bumili ng 3,333 piraso ng bote ng liquid organic fertilizer na nagkakahalaga ng P1,500 kada isa at hindi umano ito dumaan sa tamang bidding.
Napag-alaman rin ng Romblon News Network na ang nasabing liquid organic fertilizer noong 2004 ay nagkakahalga lamang ng P250-P350 kada isa at hindi ito aabot ng P1,500 kada piraso ng bote.