Sa pag-inog ng ating probinsya paikot sa kalinangang pampulitika ng bansa, nagiging hayag ang isang nakakalungkot na katotohanan: may bayang nakakasabay, mas marami ang napapag-iwanan.
Sa loob ng dalawampung taon ng panunungkulan ni Pangulong Ferdinand Marcos, bagamat sabay na nagsilbi sa kanya at kilalang malapit dito si dating Gobernador Manuel Solidum, pumaimbabaw ng husto ang imprastraktura ng Ilocos maging ng Samar-Leyte Region, hindi nakasabay ang pampublikong pagawa sa Romblon.
Hindi na kailangang lumayo; umunlad ang Alcantara at Odiongan maging ang San Agustin dahil sa dito nagmula ang mga namuno sa Romblon; nasa Odiongan na lahat ngayon. Mula komersiyo – dahil sa istratehikong kalagayan nito – hanggang sa mga tanggapan ng gobyerno-nasyunal, kahit na ang kabisera ng probinsya ay ang island town ng Romblon.
Sa usapin ng serbisyong pangkalusugan na lamang: nakakailang bagong building na ang Odiongan samantalang ang Romblon District Hospital mga kisame’y ilang pako na lang ang kumakapit, walang ER na maaasahan. Doktor pa kamo ang punong-lalawigan nyan.
Nasa Romblon ang kapitolyo ngunit nasa Odiongan lahat ng pangunahing opisina ng gobyerno – mula DOH hanggang LTO – DepEd na lang ang natitira dito. Inunti-unti ng hindi namamalayan ng karamihan. Kaiba sa West Philippine Sea, baliktad ito ng “creeping invasion.” Ito ang mapait na katotohanan.
Naghuhumiyawang tanda ng hindi pantay na paglalaan o paghahati ng pakinabang, ito malamang ang nag-udyok sa maraming mga taga-Romblon at Sibuyan na itulak ang pagbuo ng panibagong pamprobinsyang pangasiwaan: iisang Romblon, dalawang lalawigan. Marahil sa huli ay hindi na ito mapipigilan, habang lumalaki ang agwat ng pag-unlad ng Tablas Island sa Romblon at tatlong munisipyo ng Sibuyan Island.
Noong nakaraang linggo, napabalita ang pagsulong ng aktwal na pagkilos ni Sanguniang Panlalawigan member Samuel Romero ng unang distrito upang hatiin ang lalawigan sa Occidental Romblon at Oriental Romblon.
Ayon sa kanyang panukala, ang Oriental Romblon ay kabibilangan ng mga bayan ng San Fernando, Cajidiocan at Magdiwang sa Sibuyan at ng Romblon Island, samantalang ang lahat ng munisipyo sa isla ng Tablas kasama ang Banton, Sibale, Simara at San Jose (Carabao Island) ang bubuo sa Occidental Romblon.
Masyado naman yatang biglaan, “drastic” sa Ingles at rebolusyunaryo ang ganitong hakbang. Lalu na dahil may alternatibo pa namang kaparaanan, maliban sa panukalang paghahati. Kung opisyal na serbisyo at alokasyon o pondo ang nagkukulang, at tutal lampas na ang populasyon ng lalawigan sa kinakailangang 250 thousand bawat distrito.
Bakit hindi “redistricting” ng legislative district ang isulong ng mga nasa katungkulan. Dagdag-isang Congressman, doble pondo taun-taon sa imprastraktura, bilang ng serbisyo at iba pang kapakinabangan.
Bagamat wala namang hadlang sa pagpupunyagi ng mga napapag-iwanang bayan sa adhikaing magsarili at humiwalay sa pangangasiwa, may agam-agam naman sa bukas na ihahatid ng padalus-dalos na hakbang. Masusing konsultasyon at malalimang pag-aaral ang kinakailangan, at pagtitiyak na ang tatahaking landas ay kaaya-ayang buhay ng mga nasasakupan ang hahantungan. Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko pero mas madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)