Hinihikayat ng Department of Trade and Industry (DTI) – Romblon ang mga taga-Romblon na tangkilikin ang mga serbisyong inihahatid ng mga Negosyo Center sa lalawigan.
Sinabi ni Orville F. Mallorca, caretaker ng DTI Provincial Office, na isa itong pamamaraan ng pamahalaan upang maitaguyod ang kaunlaran ng ekonomiya ng bansa mula sa paglalapit ng pinagsama-samang serbisyo sa pagnenegosyo.
Ang pagkakaroon aniya ng negosyo ay hindi lamang umiikot sa pagpaparehistro o pagkuha ng lisensya na dapat ay mayroong sapat na kaalaman o kasanayan ang bawat negosyante sa pinansiyal at kalakalan.
Ang mga Negosyo Center din aniya ay nakaagapay o gumagabay upang mapabuti ng mga Micro, Small and Medium Enterprises ang kanilang produksyon at kita.
Sa kasalukuyan ay mayroon nang anim na Negosyo Center na matatagpuan sa iba’t ibang pamahalaang bayan ng lalawigan gaya ng Romblon, Magdiwang, San Fernando, San Agustin, nasa compound ng RSU Main campus at panlalawigang tanggapan ng DTI sa bayan ng Odiongan.
“Bago matapos ang taong kasalukuyan ay balak nilang magbukas ng isa pang Negosyo Center sa katimugang bahagi ng Tablas island kung saan kanilang pinaplano na mailagay ito sa bayan ng Looc o sa bayan ng Santa Fe,” dagdag na pahayag ni Mallorca.
Pinasasalamatan ng DTI Romblon ang lahat ng sektor na sumuporta sa kanilang programa kung kaya’t naging matagumpay ang pagtataguyod ng Negosyo Center sa lalawigan.(DM/LBR/PIA-MIMAROPA/Romblon)