Pinangunahan ng lokal na pamahalaan ng San Agustin, sa pangangasiwa ng mga tauhan ng Municipal Social Welfare Development Office (MSWDO), ang pagbibigay ng pagsasanay sa paggawa ng walis tambo para sa mga benepisyaryo ng 4Ps sa naturang bayan.
Layunin ng aktibidad na ito na mabigyan ng karagdagang hanapbuhay ang mga 4Ps beneficiaries na makakatulong sa kanilang pang-araw araw na pangangailangan.
Ayon sa Municipal Social Welfare and Development Office, ito ang naisip nilang programa upang matulungan ang 4Ps beneficiaries na matugunan ang gastusin para sa pag-aaral ng kanilang mga anak.
Ang Skills Training on Soft Broom Making ay ginanap sa covered court ng San Agustin kung saan nilahukan ito ng mahigit 30 miyembro ng Pantawid Pamilya.
Isang maikling programa ang isinagawa bago nagsimula ang pagsasanay kung saan binigyang inspirasyon at pinuri ni Mayor Esteban Santiago F. Madrona ang mga kalahok dahil sa kanilang pagsisikap na matuto at makahanap ng marangal na uri ng hanapbuhay.