Kabuuang 340 magsasaka sa bayan ng Romblon na naapektuhan ng El Niño ang pinagkalooban ng tulong ng Department of Social welfare and Development (DSWD) sa pakikipagtulungan ng Office of the Municipal Agriculturist (OMAg) –Romblon.
Ang pamamahagi ng tulong ay ginanap kamakailan sa covered court ng Romblon public plaza sa pangunguna ng mga tauhan ng DSWD Romblon at mga empleyado ng pamahalaang bayan.
Ang mga naturang magsasaka ay tumanggap ng sampung kilo ng bigas at mga grocery items bilang ayuda sa mga ito ng pamahalaan dahil sa pagkapinsala ng kanilang pananim bunsod ng nagdaang tagtuyot.
Sinabi ni Anita R. Morales, tagapangasiwa ng High Value Crop Section ng OMAg-Romblon, na umabot sa P262,656 ang halaga ng tulong na ipinamahagi ng DSWD para sa mga magsasakang naapektuhan ng El Niño sa bayan ng Romblon.
Batay sa talaan ng OMAg-Romblon, ang grabeng naapektuhan ng tag-init ay mga sinasakang palayan, gulayan at maging ang mga inaalagaang hayop.
Malaking pasasalamat naman ng mga magsasakang nabigyan ng ayuda dahil makakabawas din ito sa kanilang pang-araw araw na gastusin.