Mandato, trabaho, obligasyon-mga dahilan ng taong pilantod at makupad, lahat ng galaw ay ayon sa letra at de-kahon. Maaari ngang ang lumabas sa mga tanggapan at bumaba sa komunidad ay hindi ninyo obligasyon, ngunit walang pumipigil sa inyong pagbutihin ang trabaho at ibigay ang serbisyong mapagtugon.
Tingin nyo ba, ang makisuyo sa inyong pumasyal sa mga isla upang maghatid ng paglilingkod ay trabaho ng mga konsehal, vice mayor at alkalde ng Romblon? Ginawa nila iyon dahil kulang ang serbisyo ng inyong tanggapan, hindi nakararating sa publikong dapat ninyong pinagsisilbihan.
Kung umaabot sa mga isla ang law enforcement at inyong panghuhuli, nararapat lamang na maunang makarating doon ang pangunahin ninyong mandato sa pagli-lisensya at rehistrasyon ng mga sasakyan. Then, and only then, can the law be enforced. Pangangasiwang mapagtugon, hindi iyong dinadaan sa banta ng huli at takutan.
Alam naman ng lahat ang limitasyon ng gobyerno. At, tama po, ang inyong “public” o kliyente ay ang mga tsuper na ayaw ninyo kanyong pagastahin ng pamasahe, pagkain at hotel sa Odiongan. Pero bakit sila din pala ang pagbabayarin ninyo ng sobrang singil na wala sa OR – dahil ang mga iyon ay para sa “fare, hotel, food at salary na hindi sakop ng government reimbursement” ng pinapupunta ninyong mga empleyado?
Wala naman sanang bolahan. Maaring hindi ito umabot sa mga kinauukulan gaya ni General Galvante ng LTO, DOTr Secretary Art Tugade at maging Ombudsman. Ngunit huwag nyo rin sanang gawing tanga ang Romblomanon. Kung nasa opisyal na resibo ang sinisingil ninyo, tingin ba ninyo’y dadaing ang mga drayber na nagsibayad niyon sa inyo?
Ang bawat sentimo ng sobrang singil na ibinibigay sa inyo ay ang siya ring naipagkakait na pagkain, medisina, baon at iba pang pangangailangan ng mga batang umaasa sa kakapiranggot na uwi ng tsuper na nag-aabot ng bayad sa inyo.
Mag-iisang buwan na nang isapubliko ng U_Spy ang isinagawang ocular inspection sa mga quarry ng marmol sa Brgy. Cajimos kung saan nakitaan ng iregularidad ang isinasagawang pagmimina ng marmol sa tatlong sitio ng nasabing Bagasyong at Karay-karay. Maling permiso’t papel umano ang iprinisenta sa mga kinauukulan, kaya binantaan ng suspensyon at pagpapatigil ng operasyon.
Sadyang may kalupitan ang batas. Lalung-lalo na sa mga hindi magawang sumunod sa mga alituntuning atas nito. Dapat sumunod sa bawat letrang hindi lang naman basta na lang isinulat at isinabatas.
Ngunit sa pagpapatupad nito, sana’y sandaling maghinay-hinay ang mga kinauukulan. Hindi kakapiranggot ang epekto ng agaran at hindi pag-iisipang diskresyon. Minsa’y buhay ng ekonomiya ng bayan at kabuhayan ng mga malilit kasi ang kapalit ng mga iyon.
Kung kakayanin at sa maaabot ng inyong inobasyon sa pangangasiwa, manong ang malalaking kapitalista at may-ari ng pagmimina ang habulin at pagbayarin, hindi ang maliliit na marmolista’t bloketista ang sa parusa’y pagdusahin. Tandaan: Man is a political animal! (Twitter: follow@dspyrey)