Nagsimula muli nitong ika-24 ng Setyembre 2016, ang taunang ‘RAGIPON Cup’ sa Lipa City Youth and Cultural Center, Lipa City, Batangas.
Pinangasiwaan ito ngayong taon ng kasalukuyang presidente na si Mr. Chris Fornal, katuwang n’ya ang lahat nang mga opisyales at volunteer ng Ragipon.
Ang Ragipon Cup ay isinasagawa sa siyudad bilang bahagi ng pagdiriwang ng kapiyestahan ng patron ng Sibale, ang Immaculada Conception. Layunin nito na magkaroon ng pagkakataon ang mga taga-Sibale na mas maging magkakalapit, at magkakakilala tungo sa mas maunlad, matiwasay at nagkakaisang bayan ng Sibale.
Ngayong taon, kabilang muli sa kanilang mga aktibidad ay ang mga palaro gaya ng basketball at volleyball, socio-civic activities sa ibat-ibang bahagi ng Luzon, at ang pinakamahalaga sa lahat, ang siyam (9) na Sabado ng Novena sa Mahal na Immaculada Conception.
Gaya dati pa, ang mga laro ng ‘Ragipon Cup’ ay isinasagawa lang tuwing araw ng Linggo upang mabigyan ng pagkakataon ang karamihan sa mga Sibalenhon na nasa siyudad lalo na ‘yong mga nagtatrabaho na makapagpartisipar, makapaglaro at makapanood sa mga naka-schedule na laro.
Kabilang sa nakiisa sa pagbubukas ng aktibidad na ito ay ilang konsehal ng Lipa City, ganon din ang iba pang mga kilalang personalidad ng Sibale na talaga namang todo ang suporta na pinapakita.
Bahagyang ikinalungkot naman ng ilan ang hindi pagdating ng ilang opisyal ng Sibale para mapanood ang pagsisimula ng event, at para magpakita na rin ng suporta para dito.
Magtatapos ang Ragipon 2016 sa ika-11 ng Disyembre, 2016.