Nakatakdang simulan ngayong taon ang pagtatayo ng bagong gusali ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Romblon Engineering District sa Poblacion ng Odiongan, Romblon at ito ay nagkakahalaga ng P24 milyon.
Ayon kay District Engineer Napoleon Famadico ng DPWH Romblon, ito ay bunga ng matiyaga niyang pakiusap sa kanilang regional officials upang sang-ayunan ang kanyang proposal na maisakatuparan ang naturang proyekto.
Naging positibo aniya ang naging tugon ng kanilang central office dahil inaprubahan nito ang pagpapatayo ng bagong gusali ng DPWH sa lalawigan ng Romblon.
“Sinikap ko na mapa-aprubahan sa central office ang pinapangarap ko na opisina namin dito sa Odiongan para mapaganda ang kalagayan ng aking mga ka-opisina at bilang legasiya ko na rin para sa mga kababayan sakaling magretiro na ako sa government service,” pahayag ni DE Famadico.
Ikinagalak din ito ng mga empleyado ng nasabing ahensiya dahil luluwag at makakakilos na sila ng maayos kapag natapos na ang kanilang bagong gusali.
Ang nasabing gusali ay itatayo sa J.P. Rizal Street, katapat ng Romblon Provincial Government Extension sa Barangay Tabing-Dagat (Poblacion), Odiongan, romblon. – with reports from Suico Romero of Romblon Sun