Malakas ang kita sa food processing – ito ang paniniwala ng mga pinuno ng dalawang samahan ng mga pamilyang Overseas Filipino Workers— ang Calatrava OFW Family Circle (COFC) ng Romblon at ang Ihatub OFW Dependents Organization (IOFWDO) Boac, Marinduque—kaya napili nilang magpadala ng mga miyembro sa meat and fish processing workshop nitong Agosto.
Ayon kay Bernadeth Padua, pangulo ng COFC, may merkado para sa processed foods lalo na sa mga turistang bumibisita sa rehiyon.
Bukod dito, naniniwala si Padua na mabenta sa mga lokal na mamimili ang mga processed food lalo na kung tag-bagyo (panahon ng masamang panahon) dahil ito ang mga pagkakataon na hirap makakuha ng sariwang karne at isda.
Para naman kay G. Socrates Monleon, ang pangulo ng IOFWDO, ang food processing ay hindi lang oportunidad para kumita ana kanilang mga miyembro kundi pagkakataon para ang iba pang mga kababayan sa kanilang mga lalawigan ay magkaroon ng kabuhayan.
Ang workshop na sinalihan ng dalawang samahan ay sinuportahan ng Overseas Workers’ Welfare Administration-Mimaropa katulong ang Department of Labor and Employment (DOLE) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Ang mga sumama sa training ay natutong gumawa ng tocino, burger patties, longganisa, tuyo at pinausukan (smoked) na isda.
Bukod sa paghahanda at mga istilo ng pagkain, naturuan din ang kanilang mga miyembro kung paano ang pagbabadyet at pagbebenta ng kanilang mga produkto.
Para sa mga pamilyang ng OFW na interesado sa food processing workshop, magtanong sa OWWA-Mimaropa sa numerong (02) 3539016 o kaya sa Telefax (02) 3538986. (Lyndon Plantilla/PIA-MIMAROPA)