Ma-aksyon at parang totoo ang isinagawang rescue operation ng mga awtoridad sa mga nasugatang estudyante at guro ng isang paaralan sa bayan ng Odiongan, Romblon matapos tumama ang isang malakas na lindol.
Ito ay bahagi lamang ng 3rd Nationwide Simultaneous Earthquake Drill o #Pagyanig2016 na isinagawa ngayong araw sa bayan ng Odiongan.
Nagsama sama ang iba’t ibang volunter groups, at mga kawani ng mdrrmc, pulisya, local government unit, ospital, at mga bombero sa pagligtas sa mga estudyante.
Ang eksena, kunyari may tumamang malakas na lindol sa Odiongan at sa isang paaralan, ang mga bata nagsi-dock, cover and hold hanggang sa tumigil ang maingay na tunog.
Sabay sabay silang bumababa patungo sa isang open area at matapos na mabilang ang mga hindi nakababa, dito na pumasok ang mga rescuers.
Sa isang bahagi, may isang guro na kailangang akyatin ng mga kawani ng BFP-Romblon sa second floor ng isang gusali sa loob ng paaralan. Binigyan ito ng first aid, at dahan-dahang ibinaba gamit ang hagdan.
Sa isa pang banda, isang estudyante naman ang napilayan at kailangang gamitan ng tali galing sa ikatlong palapag na gusali para maibaba lang.
Dahan-dahan at mala aksyon film ang pagligtas ng mga kawani ng awtoridad sa nasabing estudyante.
Sa pangkalahatan, naging matagumpay naman ang nasabing drill.